KABUTIHANG-LOOB, SAPAT BA PARA MAGING SENADOR?

KAILAN NATIN BIBIGYAN NG MAKABAGONG RAMON MAGSAYSAY ANG MALACANANG? KAILAN KAYA NATIN MALALAGYAN NG PANIBAGONG JESSE ROBREDO ANG MGA AHENSIYA NG PAMAHALAAN?
OPISYAL nang nagbukas ang panahon ng pangangampanya noong nakaraang linggo. At opisyal nang kandidato ang mga trapong politiko, na bago pa lamang magpasa ng certficate of candidacy ay nagkalat na ang kanilang mga pagmumukha sa iba’t ibang social media flatform.
Naglipana na rin ang mga palataporma ng mga kandidatong paulit-ulit na nating naririnig; mga bagay na pakiwari ko’y established script na ng mga taong nagkukumahog na maluklok sa p’westo. Kung sasapat ba ang layuning maglingkod at magbigay sa mga nangangailangan upang maging karapat-dapat sa posisyon, ngayon natin pag-usapan.
“Gagawa ako ng batas para sa mahihirap”, sambit ni Kuya Wil nang siya’t tanungin kung anong batas ang gagawin kung sakaling siya ay maupo sa Senado.
Nang mapakinggan ko ito’y labis akong natawa – dahil hindi ba’t ang ganoong klaseng sagot sa tanong ay isang malawak ngunit malabong sagot sa kung ano ang nararapat gagawin upang maglingkod sa bayan?
Hindi ba’t nagkaroon na ng campaign slogan na, “Erap para sa mahirap”, “Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura” ni Villar, “Lumaki akong basurero” ni Isko, at marami pang iba na naka-angkla sa salitang “mahirap”.
Kuya Wil, hindi po namin kailangan ng “para sa mahirap” na islogan, pakibigyan po kami ng kongkretong plano kung paano niyo ito babalangkasin at kung paano ito magiging reyalidad.
Hindi ba’t nakatatawang isipin na ang mga taong kilala nating gumamit ng kaparehas na islogan ay malaking porsyentong nagiging mga korap, trapo, at mapang-abuso sa kapangyarihang ipinahiram ng mamamayang Pilipinong na kanilang binilog sa mga mabulaklak na talumpati na kinalapulan ng mapagpanggap nilang katagang “pinagsisilbihan”.
At ang iba riyan, o ang maliit na porsyento sa kanila? Maaaring walang alam sa trabaho mismo bilang mambabaas at maglulustay lang sa kaban ng bayan ang aatupagin at mga pambayad sa kanilang mga Legal Researchers/ Staffs, na nagsisilbing mga taga-bulong ng kanilang mga dapat sabihin sa tuwing may sesyon sa kamara – ex-Sen. Manny, isa ka sa kanila.
Hindi ko naman ipinagkakailang may mga nakikita rin akong tunay na maninilbihan at may alam talaga sa kung paano gampanan ang kanilang trabaho, ngunit maliit na porsyento lamang ito na halos wala ring naging epekto sa pinapangarap nating magbabago at maayos na serbisyo para sa kapakanan ng sambayanan.
Balikan natin ang orihinal na tanong.
Sa aking opinyon, na hinubog ng teorya sa pag-aaral at pagiging isang siyentipiko ng pulitika, ay hindi sapat na mayroon lamang puso upang maglingkod sa mamamayan; at hindi lang din naman sapat na alam ng iboboto natin kung paano ang pasikot-sikot sa proseso ng paggampan ng kanilang trabaho.
Hindi rin sapat ang may mabuting puso, dahil magsasayang lamang ng upuan sa Senado kalakip ng pagsasayang ng ipinapasweldong salapi na galing sa buwis na pinaghirapan ng mamamayang Pilipino.
Bilang halimbawa, tignan natin si ex-Sen. Manny – tama naman na siya’y may diploma na at masasabi kong, na kung nakinig man siya at totoong nag-aral hinggil sa parliamentary procedure, ay alam na niya ang takbo sa loob ng Kongreso – ngunit bago pa man niya malaman ang lahat ng ito’y, matagal siyang nanilbihan bilang representante ng Saranggani.
At ang kaniyang nagawa bago siya maging Senador – ANG MAGING PINAKATAMAD NA MAMBABATAS ng Mababang Kapulungan. Maliban sa nagsayang ng pasweldo sa kaniya, ay pinasweldo rin ang napakaraming tauhan upang gawin ang trabahong iniatas at ipinagkatiwala ng mamamayang Pilipino bilang halal na kinatawan ng kaniyang distrito.
Hindi sapat ang kaalaman sa kung paano tumatakbo ang proseso sa gobyerno’t kanilang trabaho, dahil siguradong ito ay magreresulta sa pang-aabuso’t korapsyon – bagay na matagal na nating nakikita mula noon hanggang sa kasalukuyang kalakaran.
Hindi training ground ang posisyon sa gobyerno. Buhay, pamumuhay, at kinabukasan ng sambayanan ang nakataya sa bawat oras at minutong nakaupo ang mga lingcod-bayan na ibinoto dahil lamang sa taglay nilang popularidad.
Nagpapagamot tayo sa doktor dahil sa kanilang kaalaman, hindi dahil sa mabait sila. Nagpapaturo tayo sa mga guro dahil alam nila ang magturo at itinuturo, hindi dahil mabait sila. Ipinagkakatiwala natin ang ating kalayaan at paglaban ang hinihinging hustisya sa isang abogado, dahil alam nila ang batas at ang proseso sa korte, hindi dahil mabait sila.
Bakit tayo magluluklok ng walang alam sa proseso sa Senado na kukuha ng maraming legal staffs upang gawin ang kanilang trabaho, kung maaari naman na tayong maghalal ng may napatunayang kabutihan at puso sa paglilingkod at alam kung paano gawin ang trabaho sa Kongreso?
KAILAN NATIN IBIBIGAY SA INANG BAYAN ANG KARAPAT-DAPAT NA PAGBABAGO’T PAMUMUNO? TAMA NA ANG MAKALUMANG PULITIKA AT PANATISISMO, IPAKITA ANG TUNAY NA ESENSYA NG NASYONALISMO.