Sa pagbangon ng Kasiglahan Market Vendors: CONG. FIDEL NOGRALES TUTULONG
PERSONAL na binisita ni Congressman Fidel Nograles ang mga miyembro at opisyales ng Kasiglahan Market Vendors Association, Incorporated (KMVAI), upang alamin ang pangangailangan ng mga ito, matapos na masunog ang kanilang palengke noong nakaraang Marso 3, 2025.
Sinalubong nina Kasiglahan Market Vendors Association, Inc. President Cristina Pacheco, Treasurer Elvira Flores at iba pang miyembro ng samahan ang pagdating ni Nograles sa nasabing palengke.
Sa pag-uusap nina Pacheco, Flores at Nograles, ay tiniyak ng kongresista na magbibigay siya ng mga materyales para agad na maitayo ang palengke para magka-roon muli ng pagkakakitaan ang mga vendor. Nauna nang nagbigay ng ayuda si Nograles sa mga naa-pektuhan ng sunog.
Sa panayam ng RoadNews kay KMVAI Treasurer Elvira Flores, nabigla na lamang siya nang makita niya na nagliliyab na ang bubong ng kanyang pwesto na agad kumalat sa mga kalapit niyang pwesto. Ayon pa sa kanya, nasa dalawang milyong piso (P2M) ang nawala sa kanya na kinabibilangan ng mga TV, aircon, frozen foods, styro, plastic, cash na pera at iba pang paninda.
Anya, sa bilis ng pangyayari ay hindi na nila alam ang kanilang gagawin. Unang nagresponde sa sunog ay ang maliit na fire truck ng Montalban Fire Station, subalit wala umano itong lamang tubig na kung saan ay gumamit ito ng fire hydrant sa lugar na walang nasipsip na tubig mula rito.
Anila, imbes na makatulong sa pag-apula ng apoy ang fire truck ng Montalban Fire Station dahil ito ang unang dumating sa pakengke na nasusunog, subalit nagmistulang inutil ito dahil wala itong dalang tubig.
Kalaunan ay dumating ang mga malalaking fire truck mula sa Marikina City at Commonwealth, Quezon City subalit natupok na ang nasabing pelengke.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Pacheco nang malaman niyang nasusunog ang palengke kung saan sila kumukuha ng kabuhayan. Sinabi pa niya, na gusto lamang nilang maghanapbuhay para sa kani kanilang pamilya, sila na ang nagpagawa ng palengke, sila rin ang nagbabayad ng guwardiya sa tulong ng kanilang mga miyembro.”Gusto naming maging maayos ang aming pagtitinda, sana tulungan kami ng mga kinauukulan at ng lokal na pamahalaan ng Montalban para sa legal na mga dokumento dahil gusto lang namin maghanapbuhay, ayaw naming makipagaway,” pahayag ni Pacheco.
“Mahirap magbintang, may dumating na fire truck sa amin kaya lang wala namang lamang tubig, nagbukas ng water hydrant wala ring nakuhang tubig, kaya tuluyan nang kinain ng apoy ang aming palengke,” hinanakit pa nila.
Matatandaan, nagsimula ang sunog dakong ala-1:30 ng hapon noong Marso 3, 2025 kung saan ay kasagsagan ng init sa ibat-ibang lugar sa bansa na ilang mga siyudad sa Metro Manila ay nagdeklara pa na walang pasok sa mga paaralan.
Ang samahan ay may 80 miyembro na nawalan ng hanapbuhay dahil sa nasabing sunog, subalit ang ilan ay nagtitiyaga na lamang na magtinda sa gilid ng kalsada sa lugar upang kahit paano may kitain sila sa araw-araw.
Ilan pa sa mga vendor ay utang ang kanilang mga puhunan, na kanila ngayong malaking problema kung saan sila kukuha ng pang-araw araw na hulog.
Kasabay nito, nakiusap si Pacheco sa mga kinauukulan na hindi nila hinihinging 100% serbisyo mula sa mga ito, kahit na anya ay 75% lang ang kanilang ibigay ay ayos na sa kanila.
Sina Pacheco at Flores ay parehas nagpasalamat kay Nograles na nangakong tutulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyales para agad na maipatayo ang pelengke.
Darwell Baldos para sa RoadNews









