TUPAD, AICS AT AKAP NAGAGAMIT SA VOTE BUYING?
SINASABING nagagamit umano ng mga politiko, partikular ng mga kongresista,
ang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang DOLE-TUPAD ay isang community-based program na nakadesenyo para magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga tao na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at iba pang krisis na sitwasyon.
Ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay magwawalis, paglilinis sa ilog at iba pang gawain sa komunidad sa loob ng sampung araw (10) na hindi lalagpas sa minimum na tatlumpong araw (30).
Na kadalasan ang bawat benepisyaryo ay nakatatanggap ng sweldo mula P5,200 hanggang P5,600.
Ang AICS naman ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng tulong medikal, pampalibing, transportasyon, edukasyon, pagkain, o tulong pinansyal para sa iba pang support services, o pangangailangan ng isang tao o pamilya.
Ang halaga ng tulong pinansyal na ito mula sa DSWD ay ibinibigay sa bawat benepisyaryo mula P1,000 hanggang P10,000 na subject sa assessment ng DSWD social worker.
Ang nasabing halaga ay dapat ibigay sa pamamagitan ng Guarantee Letter na inaprubahan ng Department Secretary o nang kanyang awtorisadong kinatawan.
Ang AKAP at AICS ay mula sa approved budget ng DSWD ay hindi umano nagagamit ng mga kongresista, ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Subalit may mga ulat na kasama itong ipinapangako ng mga kongresista sa kanilang constituents para makakuha sila ng boto lalo na ngayon na panahon ng kampanyahan para sa midterm elections.
Kundiman lantaran ang paggamit ng mga politiko sa AKAP at AICS ay lantaran naman ang paggamit ng incumbent congressmen, partikular na ang nasa ilalim o malakas sa administrasyon ang paggamit ng TUPAD program ng DOLE.
Kung kelan panahon na ng eleksyon at saka nagiging madalas ang DOLE-TUPAD Payout na kinakasangkapan para magpalapad ng papel ang mga kongresista.
Sinasabi pa ng mga kongresista na hindi magkakaroon ng TUPAD Payout sa kanilang constituents kung hindi dahil sa kanilang pagsisikap.
Kadalasan din, hindi napipiling benepisyaryo ng mga ayudang ito kung hindi kakampi ng kongresista o ka-partido, dahil ang namimili kung sino ang dapat mabigyan ng pera ay ang mga tao ng politiko.
Kung kaya’t lumalabas na direktang vote buying ang ginagawa ng mga politiko gamit ang pondo ng TUPAD, AKAP at AICs.
Sa pagkakataong ito ay lamang na ang incumbent politicians lalo na ang kakampi ng administrasyon sa kanilang mga katunggali sa darating na 2025 midterm elections.
Napapanahon na nga bang ipagbawal ang paggmit ng mga politiko sa TUPAD, AKAP at AICS kung panahon ng eleksiyon?