Sa Pagbabago ng Parañaque: JUN ZAIDE PARA ALKALDE
Bagama’t bago at bata pa, si Kap Jun Zaide na ang hiling at sigaw ng mga taga-Parañaque. Bagong liderato, bagong pamumuno upang magkaroon ng pagbabago at maitama ang mga maling sistema ng siyudad para sa kapakanan ng mga residente.
Ayon sa ilang residente na nakapanayam ng RoadNews, inaasahan nila na sa pamamagitan ni Jun Zaide, malaking posibilidad ang pagbabago ng syudad ng Paranaque dahil sa karanasan nito bilang chairman ng Barangay Baclaran.
Sa panunungkulan ni Zaide sa Brgy. Baclaran ay nagkaroon ng kaayusan at naging maunlad ang lugar na ito.
Matatandaan noong 2018 nang maging kapitan si Zaide sa Brgy. Baclaran ay tinalo nito ang 25-taong nang nakaupong kapitan na wala umanong naging progreso ang lugar.
Mula noon ay binago ni Zaide ang sistema at pinatunayang kaya niyang pamahalaan at ibigay ang mga benepisyo para sa mga residente.
Si Zaide ay tumatakbong alkalde ng siyudad para patunayan niya na anumang dami ng pera ng kanyang kalaban ay mananaig pa rin ang sabay-sabay na sigaw ng mga residente ng isang tunay na pagbabago ang kailangan para sa Paranaque City.
Sinabi pa ng mga residente na bagamat hindi pa nagsisimula ang kampanyahan sa Marso 28 para sa lokal na mga kandidato ay patuloy itong umaani ng suporta mula sa ibat-ibang grupo ng Paranaque.
Nabatid na mas nakalalamang si Zaide sa kanyang katunggali dahil hindi masyadong nakakapag-ikot sa ibat-ibang lugar ng siyudad si Edwin Olivarez.
Pangunahing dahilan umano ng mga residente sa kanilang sigaw ng pagbabago sa Paranaque ay gusto nilang mapalitan ang lumang sistema ni dating Mayor Edwin Olivarez na kasalukuyang kongresista na nagnanais na makabalik sa siyudad bilang alkalde.
Binanggit pa ng mga residente na sa ilalim ng pamumuno ng mga Olivarez ang Paranaque City mula noong 2013 ay napag-iwanan ito ng mga kalapit na siyudad.
Naging problema rin sa siyudad na ito ang laging delay na allowances para sa mga estudyante na umaabot ng limang (5) bago nila ito nakukuha.
Bukod dito, maging sa pagbibigay ng mga benepisyo sa senior citizens, Person With Disablity (PWD) ay napag-iiwanan ng mga karatig na siyudad tulad ng Pasay, at Las Piiñas City.
Dismayado rin ang mga residente sa hindi maayos na pasilidad ng dalawang ospital dahil sa kawalan mga laboratory nito at kailangan pang pumunta ng mga pasyente sa pribadong pagamutan na pag-aari ng mga Olivarez.
Dahil dito, mas pinipili na magpagamot ng mga residente sa Pasay City General Hospital at sa Las Piñas General Hospital dahil sa kawalang pasilidad ng dalawang hospital sa Paranaque.
Bukod kay Edwin Olivarez ay tumatakbo ang isa pang Olivarez na si Aileen Olivarez na asawa ni Eric na kapatid na tumatakbo sa pagka-alkalde ng Paranaque.
Si Edwin Olivarez ay incumbent congressman ng District 1, Paranaque City na nanungkulan bilang mayor mula 2013 hanggang 2022 at ngayon nagnanais na magpalit sila ng posisyon ng kanyang kapatid (Mayor Eric Olivarez).
Kaugnay nito, umaasa ang mga taga-Paranaque na sa pamamagitan ni Jun Zaide ay magkakaroon ng pagbabago ang kanilang siyudad at makawala na sila sa mga magkakag-anak na mga Olivarez na matagal nang nanunungkulan sa kanila.
(Joselito Amoranto)
