Kailan aaminin nina Kim Chiu at Paulo Avelino na sila na nga o hindi?
NGAYONG kumikita, ayon sa makinarya ng publisidad ng Star Cinema, ang pelikulang “My Love Will Make You Disappear,” may pag-asa ba ang publiko na aminin ng mga bida nito na sina Kim Chiu at Paulo Avelino kung sila ay magkasintahan o hindi.
Ito ay dahil noong bago pa ipalabas ang pelikula, panay ang tukso ng kanilang mga kasamahan sa dalawa.
Hanggang sa maging matamis ang pagtitinginan nila sa isa’t isa.
Sa tuwing magsasalita si Kim nang tungkol kay Paulo na nakakakilig, kinikilig din ang kanilang mga tagahanga na hinulma na rin sa pamamagitan ng puwersadong pagpapartner sa dalawa sa telebisyon.
May nakita naman kasing pruweba at pag-asa ang kanilang mga tagapaglikha at tagapag-alaga na puwedeng love team ang dalawa.
Na maaaring magsimula sa pagtatambal muna at pagkatapos ay uulit-ulitin o uulut-ulutin silang dalawa, bibiru-biruin na bagay sila bilang magkasintahan.
Tapos, depende kung maaapektuhan ang dalawa sa mga ulit at ulot.
Halos araw-araw ‘yon saanman sila matagpuan, halimbawa’y nang biglang napadaan si Avelino sa “It’s Showtime” studio sa ABS-CBN.
Ayan na sina Vice Ganda at Amy Perez at iba pang co-host ni Kim at tituksuhin na si Paulo na bumibisita na sa set.
Doon nagsimula ang lahat sa pag-uudyok nila kay Chiu at Avelino.
Ito ay sa kabila na meron ding mga aktor na kasimbata ni Kim na tinutukso sa batang aktres pero hindi kinagat ng publiko.
Habang tumatagal, lalo pang tumatamis ang pagtitinginan nina Kim at Paulo.
Hanggang parang tumatalab na ang panunukso sa kanila.
Hanggang naimbento ang KimPau.
Nakatulong ito sa pagbenta ng pelikula nila.
Pero hanggang ngayong humakot na ng P12M sa pagbubukas ng pagpapalabas ng pelikula ay hindi pa rin umaamin o tumatanggi ang dalawa sa kanilang tunay na estado.
O baka naman hanggang sa sundan pa ang pelikula nila ay ibibitin-bitin nila ang publiko.
Taktika ito para tumaas pa ang market value nila dahil kung hindi naman talaga sila ay walang magagawa ang balana.
Pero paano naman ang mga umaasang tagahanga na natutupad ang mga pangarap sa pagmalas sa tambalan nila, totoo man o hindi?
Sabihin lang naman ang totoo.
Bakit naman sina Maine Mendoza at Alden Richards, inihain nila na hindi talaga sila pero tinatangkilik pa rin sila ng masa.
Kahit sina Alden at Kathryn Bernardo, hindi naman magsyota sa tunay na buhay pero lubusang tinatanggap ng mga tagapanood ang mga pelikula nila.
(Boy Villasanta)