BBM MATULAD KAYA SA KANYANG AMA NA NAPABABA SA PALASYO?
ROADNEWS ARANGKADA SA BALITA
HUWEBES | ABRIL 3, 2025
EDITORYAL
HINDI malayong mangyari kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang sinapit ng kanyang amang si Ferdinand E. Marcos Sr., na pinababa sa Palasyo ng Malakanyang sa pamamagitan ng People’s Power nu’ng 1986.
Kung sisilipin natin ang kasaysayan, mas mabuti pa si Marcos Sr., dahil inabot siya ng 20-taon bago nag-alsa ang taumbayan, subalit kay Marcos, Jr., ay hindi pa nangangalahati sa kanyang 6-taong termino ay marami na agad ang nadismaya sa kanyang pagpapatakbo sa Pilipinas.
Isa-isang nag-alisan ang kanyang mga gabinete kabilang si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, na wala pang 100-araw na kanyang panunungkulan bilang ES ni PBBM ay kumalas na ito.
Nadismaya si Atty. Rodriguez sa pagpapatakbo ni PBBM ng pamahalaan, dahil sa hindi mapigilang katiwalian lalo sa usapin ng pagkakaperahan na hindi kinayang pigilan ng batang Marcos.
Matapos na umalis si Atty. Rodriguez sa BBM Administration ay nagtuloy-tuloy na ang pagbibitiw ng mga gabinete ni Marcos Jr., na ang pinakahuling dalawa ay sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Ivan Uy.
Maging ang tinaguriang Super Ate na si Sen. Imee Marcos ay bumitiw na admin senatorial slate, at hindi na sumama sa pangangampanya ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa iba’t ibang panig sa bansa.
Kamakailan ay pinangunahan ni Sen. Marcos ang imbestigasyon sa Senado kaugnay sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Ngayon tila nanganganib din si Solicitor General (SG) Menardo Guevarra na bumitiw sa kanyang pwesto dahil hindi nito nagustuhan ang ipinagagawa sa kanya ng administrasyon ni BBM.
Matatandaan na si Guevarra ay dating Department of Justice (DOJ) Secretary sa ilalim ng Administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at pagkapanalo ni BBM noong May 2022 elections ay in-appoint siya ni Marcos, Jr. bilang Solicitor General (SolGen).
Inaasahan din ang maramihang pagbibitiw ng mga nakaupong opisyal ngayon sa ilalim ng BBM Administration dahil sa pagkadismaya nila na ang gobyerno mismo ang gumawa ng paraan para maipadala si dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Maraming naniniwala na mali ang ginawa ng gobyerno na sila mismo ang gumawa ng paraan para maipadala si Duterte sa The Hague, Netherlands para dun litisin ang dating presidente.
Maging ang Inglesia ni Cristo (INC) sa pamamagitan ni Bro. Edwil Zabala ay hindi nagustuhan ang ginawa ng gobyerno na ipinadala si Duterte sa korte sa ibang bansa.
Ayon kay Zabala, naniniwala ang INC na gumagana pa naman ang mga hukuman sa bansa, kaya kung sino man sa mga Pilipino ang nagkasala ay dito dapat sa Pilipinas nililitis.
Kaya sa mga maling desisyon ng gobyerno at halatang pamumulitika ay kaliwat-kanan ngayon ang mga isinasagawang protesta na posibleng humantong sa pagpapababa kay PBBM.
Pinuna rin ni Atty. Ferdinand Topacio ang ginawa ng gobyerno (Marcos Jr.) na ang ginawang sabwatan ng mga opisyal nito para sa pagpapadala sa ICC, The Hague sa dating pangulong Duterte.
Sinabi rin nina dating Cabinet Member Atty. Salvador Panelo at mismo si Pangulong Duterte na posibleng matulad si Marcos, Jr. sa kanyang ama na si Marcos, Sr., na dahil sa pagkadismaya ng mamamayan ay napababa ito sa Malakanyang at dinala sa Hawaii, USA.
May mga nagsabi rin na posibleng mauna pa si PBBM na mapababa sa kanyang pwesto kesa sa pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Inday Sara Duterte.