Sa ipinatutupad na MSRP: PORK RETAILERS UMAARAY
AMINADO ang ilang pork retailers na nahihirapan silang makasunod sa maximum suggested retail price (MSRP) para sa karneng baboy. Hindi raw kasi nakakasunod ang mga hog producers sa itinakdang 230 pesos kada kilo na farmgate price ng buhay na baboy.
Ayon kay Nem Martinez, isa sa mga pork retailers sa Nepa QMart, Quezon City, ilan sa hog producers ay nagtatakda pa rin ng Pnp250 na farmgate price . Kat’wiran ng mga dealers, magkakaiba raw kasi ang kanilang production case. Ani Nem, dahil dito, hindi rin nasusunod ang Php300 na “sabit ulo” o ang presyo ng kinukuha nilang nakatay na baboy sa mga pork producers. Taliwas naman ito sa pahayag ng Samahang Industriya ng Agricultural o SINAG, na 100 percent na nakakasunod ang mga hog producers sa Php230 pesos na farm gate price.
Hinaing ng mga retailers, masyadong biglaan ang naging pagpapatupad ng msrp sa pork products nang hindi isinaalang-alang ang pagkakaiba-iba ng farm gate prices. Bagamat nakakasunod aniya sila sa msrp, palugi naman ang bentahan dahil hindi na maibenta ang buto ng baboy na kasama na sa sabit-ulo.
Nauna rito, sinabi ni DA Spokesperson at Asec. Arnel de Mesa na tumaas na sa 25 percent ng mga retailers sa Metro Manila, ang nakakasunod sa ipinaiiral na MSRP. Ito’y mula sa 6 percent compliance sa nakalipas na isang linggong implementasyon nito. Magkakaroon din aniya ng panibagong pag-uusap sa mga stakeholders sa hog industry upang malaman kung bakit ‘di sila nakakasunod.
Wala ring nakikitang dahilan ang DA na magtakda na rin ng maximum suggested retail price sa imported na karneng baboy, gaya ng isinusulong ng isang samahan ng pork producers na maaaring mahatak pababa ang presyo ng lokal na karneng baboy kung magtatakda ng msrp sa imported
Pero, ayon naman kay Agriculture spokesperson Asec. Arnel de Mesa, hindi naman mataas ang presyo ng imported na karneng baboy
Hindi hamak kasi aniya na mas pinipili pa rin ng mas nakararaming consumer ang mga sariwa o bagong katay habang ang mga imported ay karaniwan sa mga commercial establishment. Gayunman, sinabi ni Asec. de Mesa na bukas silang pag-aralan ang nabanggit na mungkahi.
Target naman ng DA na paabutin ng hanggang dalawang milyon kada taon ang populasyon ng kanilang mga baboy upang maibalik ang dating pre-African Swine Fever (ASF) levels pagsapit ng 2028.
Ang ASF ang nakapinsala sa industriya ng baboy simula kumalat ito noong 2019, na nagresulta sa malaking kabawasan ng populasyon ng hanggang anim na milyon bago dumating ang nasabing sakit.
Positibo naman si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr., ang potensiyal na commercial rollout ng ASF vaccine ngayong taon at ang pinansiyal na suporta mula sa mungkahi ng Animal Industry Development and Competetiveness Act, na parehong makatulong na mapabilis ang pagbangon ng industriya.
“Bago nagkaroon ng ASF, mayroon tayong halos 14 milyon na mga baboy; ngayon mayroon na lamang tayong walong milyon (8M). Nagresulta ng 6 million deficit ng mga baboy. Sa populasyon, mas mataas ang pangangailangan kumpara sa nakalipas na 14 million,” anang kalihim.
“Malinaw ang hamon ko sa industriya: kailangan nating makapagbigay ng dagdag na dalawang milyon ng baboy bawat taon – mula 2026, 2027, at 2028 upang makabalik sa pre-ASF levels ….At ‘yan ang minimum,” pagbibigay-diin pa nito.
Inatasan ng kalihim si DA Undersecretary for Livestock Dante Palabrica, na bumuo ng balangkas upang magsilbing gabay sa pagbangon ng swine industry, na lubhang mahalaga sa seguridad ng pagkain at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang livestock at poultry sector ay kumakatawan sa ika-apat na bahagi ng produksyon ng agrikultura sa bansa at nagbibigay ng kabuhayan sa 2.8 million na mga Pilipinong magsasaka. Ang karne ng baboy at manok naman ang pinagkukunan ng protina ng mahigit kalahati ng populasyon ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng mungkahi ng Animal Industry Competetiveness Enhancement Fund, tinatayang Php4 billion ang ilalaan sa swine industry upang suportahan ang pagbangon at paglago ng industriya.
Kung maibabalik ng swine industry ang pre-ASF levels, sinabi ni Sec. Tiu Laurel, mangangahulugan ito ng malaking kabawasan sa inaangkat na karne ng baboy, na nagpapabagal sa lokal na produksyon. “Mas gusto pa rin ng mga Pilipino ang sariwa at bagong katay na karne ng baboy,” anang kalihim.
Sinabi ng kalihim na nakausap na niya ang dalawang malaking commercial hog producers at nangakong magbibigay ng dagdag na kalahating milyong ulo ng baboy simula sa susunod na taon. “Kung makakapagdeliber, mayroon na tayong tinatayang isang milyong dagdag na baboy,” dagdag pa nito.
(Jojo Romero)
