BOMOTO AYON SA UTOS NG ATING KONSIYENSYA

mrr

SINUSULAT itong kolum natin, sampung araw nalang midterm elections na. At habang papalapit ang Mayo 12, 2025, nakapagtala na ang iba’t ibang himpilan ng kapulisan ng mga karahasan na nagbuwis na buhay.

Sabi ng mga spot reports, pawang election related ang mga pamamaslang na ang pinaka-latest ay ang madugong pagpaslang sa ikatlong nominee ng ABP Partylist na si Leninsky Ilagan Bacud, na pinagbabaril nang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa isang basketball court sa Sampaloc, Maynila.

Naunang nabalita ang pagpatay sa incumbent mayoral re-electionist ng Rizal, Cagayan na si Joel Ruma, kamakailan, na tinapos ang buhay habang kumakain matapos ang pangangampanya, mula sa punglo  ng  pinaniniwalaang isang bayarang sniper.

Pasasaan ba’t matitigmak sa dugo ang paparating na halalan at hindi ito naiiba sa nakaraang mga halalan lokal man o nasyonal, na lagi’t laging nakukulapulan ng umano’y talamak na bilihan ng boto, pagpapakawala ng mga flying voters, ballot box snatching, mga iregularidad sa pagsapit ng botohan dahil sa karanasan ng ilang botante, hindi nila makita ang kanilang mga pangalan sa listahan ng masterlist.

Ano ba’t nagaganap ang ganitong mga senaryo? Ito ba’y sinadyang pangyayari dahil nakasalalay na sa isang automated counting machine, ang paraan ng pagbibilang ng mga boto, na dating dinadaan sa manual counting?

Natatandaan pa natin ang ‘Hello Garci…’ scandal na kinasangkutan ng noo’y Comelec Commissioner na si Garcillano, presidential elections 2004, tampok ang tunggalian sa pagitan nina Fernando, Poe Jr., at Gloria Macapagal Arroyo, na ang resulta sa nasabing halalan ay parang mahika na iniluwa sa isang daigdig ng kababalaghan.

Heto tayo ngayon, kahaharapin natin ang isang malaking hamon para pumili ng mga mambabatas na uupo sa Mataas  at Mababang Kapulungan ng Kongreso, para umugit sa kinabukasan ng ating bayan na dinadapurak sa pagkaka-watak-watak dahil sa agawan ng kapangyarihan sa politika.

Nagiging sentro ng tunggalian ang senaryong nagbabangayan ang grupong kontra-Duterte at pabor sa kampo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na sa kabutihang palad ay hindi pa naman humahantong sa madugong komprontasyon, maliban sa mga batuhan ng mga personal na kritisismo sa mga tumatakbong kandidato sa ilalim ng team Duterte versus team Marcos.

At ang patutsadahan ay lutang-na-lutang sa nagsalimbayang mga social media influencers na inaakusahang mga ‘bayarang trolls’ ng magkabilang panig.

At dahil sa malaking impact ng iba’t ibang social media platforms, marami sa ating mamamayan ang madaling mapaniwala sa mga naglalabasang mga isyu na ipinupukol sa mga kandidatong patuloy na nanghihikayat sa mga botante para mamalimos ng boto.

At siyempre, dahil sa pagdarahop ng malaking sector ng ating lipunan, ang pinaka-aabangan ng mga botante ay kung sino sa mga kandidato ang magpapakawala ng malaking halaga ng salapi kapalit ang isang boto.

At ito ang nakababahala dahil kung sino ‘yung merong pinakamalaking ginastos sa panahon ng kanilang pangangampanya, ito’y tiyak na babawiin ng kandidatong iyon sakaling siya na ang mahalal at ang perang ating tinanggap kapalit ng ating boto ay hindi natin kakikitaan ng pagbabago sa ating mga minimithing maganap o ipatupad ng kandidatong ating inihalal dahil sa tawag ng salapi.

Ang isa nating paalala sa mga botante, hindi po masamang tumanggap ng ‘perang lagay’ galing sa mga kandidato, pero bago tayo pumili ng mga kandidatong ating iluluklok sa tungkulin, isipin nating mabuti kung sila ba ay makatutugon sa hinihiling nating kaalwanan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay?

Magiging mabilis ba ang pagpapatupad ng mga batas para sa ikabubuti ng buhay ng  mga nasa laylayan ng ating lipunan? Magiging madali bang makapag-aral sa kolehiyo ang mga anak ng mga magsasaka, labandera, driver, at mga manggagawa sa pabrika? Magkakaroon ba ng mabilis na pagpapa-hospital ang mga walang kakayahang magpagamot sa mga pagamutang karaniwang tinatanggap ang mga mayayaman lang? Magkakaroon ba ng trabaho ang mga matagal nang walang matinong hanapabuhay?

Sana, suriin nating mabuti ang ating mga iboboto pagdating ng Mayo 12. Gamitin natin an gating konsiyensiya sa ating pagpili ng ating magiging mga lider.

Ang isa-isip natin na ang ating isang boto ay magiging daan para sa magandang kinabukasan ng ating bayan!