MOTIBO NG PBBM ADMIN SA MGA DUTERTE BINUKING NI SEN. IMEE MARCOS

big j

ISINIWALAT ni Senator Imee Marcos sa pamamagitan sa pagbasa niya sa report na kinalabasan ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa Senado kamakailan kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

   Sinabi ng presidential sister na may motibong politikal ang ginawang pagpapaaresto ng kasalukuyang administrasyon kay Duterte hanggang maipadala nila ito sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

   Ayon pa sa kanya, ginamit ng BBM Administration ang resources ng gobyerno para sa politikal na usapin partikular ang pagpapabagsak sa dalawang Duterte (VP Sara at Digong).

   Nagsimula ito sa pagsusulong ng kasalukuyang administrasyon ng Peoples Initiative (PI); pag-iimbestiga ng Quad Committee laban sa dating Pangulo, partikular sa Extra-Judicial Killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs ni Duterte; impeachment laban kay VP Sara at ang pinakahuli ay ang pag-aresto kay Duterte na pinangunahan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Major General Nicolas Torre III.

   Sinabi pa ni Senator Imee na bago pa dumating ang 2028 Presidential Election ay hindi na makaporma ang mga Duterte para masiguro ng kasalukuyang administrasyon na hindi na makakatakbong presidente si VP Sara.

   Dahil diyan, inirekomenda ni Sen. Imee na imbestigahan ng Office of the Ombudsman sina DILG Secretary Jonvic Remulla, DOJ Secretary Boying Remulla, PNP Chief General Francisco Marbil, CIDG Chief Major General Nicolas Torre III at iba pa.

   Sabi nga ng ating mga taga-subaybay na disimulado ang ginagawang diskarte ng PBBM admin laban kay VP Sara. Hindi na raw ba nahiya ang mga ito sa taumbayan? 

   Base kasi sa inilabas na survey ng Social Weather Station (SWS) kamakailan ay malaki ang ibinagsak ni PBBM, samantala malaki naman ang itinaas ni VP Sara.

   Malinaw na hindi na gusto ng nakararaming Pinoy ang ginagawa ng PBBM administration laban sa mga Duterte.

   Kaya ngayon puro problema na ang inaabot ng gobyerno, hindi na nila matutukan ang kanilang mga trabaho para sa mga Pilipino, kundi mag-isip kung paano nila pababagsakin ang mga Duterte.

   Kahit na patuloy ang pamumudmod ng pera ni Speaker Martin Romualdez sa mga mambabatas ay hindi pa rin sila matanggap ng taumbayan.

   Tama lang na tanggapin ng taumbayan ang ipinamimigay na pera ng mga politiko dahil hindi naman sa kanilang bulsa galing yan kundi nagmula mismo sa buwis ng mga Pilipino.

   Hindi rin magkanda-ugaga si Tambaluslos este mali, Speaker Romualdez pala, sa pakiusap niya sa tuwing nagsasalita sa entablado sa harapan ng mga tao na iboto ang lahat ng kandidato ng team Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

   Marahil nag-alala siya na hindi tuluyang ma-impeach si VP Sara at lalo pa itong lumakas sa taumbayan kasi baka tuloy-tuloy na itong magiging presidente ng Pilipinas. Pag nagkataon tulayan na rin silang mawawala sa Pilipinas at mag-apply ng asylum sa ibang bansa.

   Sa pinakahuli nating natanggap na impormasyon, sumugod na raw ang maraming tauhan ng CIDG sa Davao City, ano ang gagawin nila sa lugar ng mga Duterte?

   May binabalak na naman ba silang hindi maganda o aarestuhin na nila ang iba pang mga Duterte? Bistado na ang style nyo, binuking na kayo ni Sen. Imee.

   Wala nang kaayusan ang Pilipinas, pulos  kasi pang personal interest ang ginagawa ngayon ng administrasyon. Hindi kasi nila matanggap na ayaw sa kanila ng nakararaming Pilipino sa  ginagawa nilang pagpapabagsak sa mga Duterte.

   Sabi nga ni Senator Allan Peter Cayetano, bakit hindi nyo matanggap na ayaw sa inyo ng mga Pilipino? Kagustuhan ng mga Pilipino kung sino ang pipiliin nilang mga kandidato na manalo tuwing may eleksyon.