Nora Aunor, Superstar pa rin hanggang kamatayan

boy v

MULA pagsilang hanggang kamatayan, Superstar pa rin si Nora Aunor.

   Nang siya ay maliit at dalagita pa sa Iriga City, siya ay isang tindera ng tubig sa istasyon ng tren sa siyudad na ito.

   Ayon din sa isang panayam—sa programang pantelebisyon ng peryodistang pambroadcast na si Sandra Aguinaldo, siya ay namumulot ng tingga sa kalsada ng lunsod para ipagbili at nang sila ay makabili ng bigas at nang siya ay makatulong din sa kanyang mga magulang.

   Sa isang paslit na babaing tulad ni Nora Cabaltera Villamayor, ang mga gawaing ito ay kagila-gilalas sa isang batang tulad niya, kaya naman noon pa man ay nakakaangat na siyang tao sa kanyang mga kapwa at isang kumikislap nang bituin kahit wala pa siya sa langit-langitan ng lokal na industriya ng aliw.

   Lalo na nang siya ay sumasali pa lang sa mga amateur singing contest kung saan nakakalaban niya ang mas magagandang lalaki at babaing mahuhusay rin ang tinig.

   Pero nangibabaw si Nora kahit na siya ay isina’santabi ni German Moreno noon at pinigilan nang makapag-audition.

   Hanggang manalo siya sa “Tawag ng Tanghalan” nang noon ay Channel 3 pang istasyon ng telebisyon ng ABS-CBN.

   Isang maliit at kayumangging kaligatang kalahok na kumanta ng “Moonlight Becomes You” na siyang naghatid sa kanya sa rurok ng tagumpay sa kantahan.

   Phenomenal na siya noon pa at lalo pang naging katangi-tangi nang gawing artista ni Doc Jose Perez ng Sampaguita Pictures.

   Inihalo si Nora (na ang screen name noon ay ginawa nang Nora Aunor) sa mga tisoy at tisay na mga artista tulad nina Blanca Gomez, Bert Leroy, Jr,. Gina Pareño at iba pa para sa pelikulang “All Over the World” pero nangibabaw siya sa pagkanta sa hanay ng kanyang mga kabitiun.

   Pero namukod-tangi pa rin nga siya nang mga panahong nasa Sampaguita Pictures din si Tirso Cruz III.

   Nakakita ang mga taga-Sampaguita Pictures na magiging klik at matunog kung itatambal si Nora kay Tirso.

   Nang gawin ito ng Sampaguita Pictures, lalo pang naging Superstar si Aunor at nakilala ang Guy (palayaw ni Nora) and Pip (palayaw ni Tirso) love team.

   Pero kaagaw ng Sampaguita Pictures ang Tower Productions sa pagsasagawa ng mga proyekto para sa tambalang Guy at Pip.

   Kaya lalo pang naging bukambibig si Nora dahil pinag-aagawan siya kasama rin si Tirso ng dalawang produksyon.

   Hanggang makaisip nga si Aunor na hindi sa lahat ng sandali ay puro eskapistang pelikula lang ang kanyang gagawin kaya nagtayo siya ng sariling kumpanya, ang NV Productions kung saan ang kauna-unahang proyekto nito ay ang “Carmela” na tumabo sa takilya.

   Mula noon ay samut-sari nang pelikula ang ginagawa ni Nora at siya ay nanatiling nasa tuktok ng katanyagan.

   Kahit sabihin nilang hindi na kumikita ang mga pelikula ni Nora nitong mga huling taon, walang pakialam ang buong bansa at ang pamayanan.

   Si Nora pa rin ang idolo lalo na ng masa.

   At dahil wala nang malalaki at inipon o extrang perang pampanood ng pelikula ang kanyang  mga tagahanga lalo na ang mula sa hanay ng naghihikahos, nagkakasya na lang sila sa panonood nang libre sa TV o kaya naman ay pakikibalita sa iba tungkol kay Nora.

   Dahil si Nora ang salamin ng masang Filipino.

   Si Aunor ay representasyon.

   Si Aunor ay ilusyon na nais makamit ng mga nagnanais na umasenso pero hindi ganoon kadali ang pag-asenso dahil maraming balakid bagamat sa kaso niya, nalagpasan niya ang mga intriga at problema at kahit na ang kapalit nito ay ang kawalan ng kanyang personalidad na masasabing kanyang-kanya.

   Noong mga huling taon ng 1960s, dekada 70, 80 at 90, taglay ni Guy ang walang kahulilip na mahika saanman siya magpunta.

   Basta’t ang pabalat lang ng mga komiks at fan magazines o nasa pangmukhang pahina ng mga pahayagan noon ay Nora, tiyak na mabenta.

   Isalang lang ang kanyang mga plaka, klik na klik na.

   Kahit sa ilalim lang ng puno ng kamatis ang eksena ng pelikula, pinipilahan na agad bagama’t naghangad rin si La Aunor na maging seryosong aktres.

   Tumagal ng tatlong dekada ang kanyang “Superstar” sa Radio Philippines Network (RPN) Channel 9.

   Sa araw-araw at gabi-gabing lamay kay Nora, nabuhay ang Noramania.

   Sa ilalim ng init ng araw, walang pakialam ang mga Noranians basta’t masilayan lang sa huling pagkakataon ang kanilang idolo.

   Parang ibinalik ang mga nakaraang dekada kung saan mahaba ang pila sa pelikula, TV show, recording o concert ni Nora.

   At ito ngayong patay na siya ay pinipilahan pa rin siya.

   Tunay na phenomenal ang parereyna sa pelikula ni Nora.

   At sa mga susunod na araw, laging buhay si Nora.    Isa siyang immortal.