Pagsisiyasat sa PrimeWater… MAY HALONG PULITIKA – VP Sara
INAKUSAHAN ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ng paggamit ng political power sa pag-uutos ng imbestigasyon sa PrimeWater, isang utility company na pag-aari ng bilyonaryo na pamilyang Villar.
Sa pagsasalita sa mga mamamahayag sa sideline ng isang kaganapan sa Cagayan de Oro City noong Miyerkules (Abril 30), sinabi ni Duterte na ginagamit ng administrasyon ang aksyon ng gobyerno laban sa mga lumalaban sa kanilang impluwensya.
“Malamang, dahil lahat naman ng galawan ngayon ng administrasyon ay dahil sa politika,” aniya. “Wala na akong nakitang ginawa ng administrasyon na ito para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan—lahat ay pag-atake lang at sa mga taong hindi nila kayang takutin at hindi nila kayang bilhin,” dagdag pa ni VP Sara.
Matatandaang nagpahayag si VP Sara ng kanyang pagsuporta sa likod ng senatorial bid ni Las Piñas Rep. Camille Villar, kahit na bahagi siya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na suportado ni Marcos.
Ipinag-utos ni Marcos ang pagsisiyasat sa PrimeWater sa gitna ng lumalalang galit ng publiko sa umano’y palpak na serbisyo ng tubig nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa Bulacan, nanawagan ang mga lokal na opisyal na kanselahin ang joint venture agreements sa utility firm, na binanggit ang patuloy na isyu sa supply sa ilang munisipalidad.
Ang PrimeWater ay nago-operate sa ilang probinsya, kabilang ang Batangas, Cavite, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Cabanatuan, Tarlac, Camarines Norte, Laguna at Subic.
(Darwell Baldos)
