SA P118.5B LUGI SA GHOST FLOOD PROJECTS, MAS MALAKING KRIMEN KAPAG WALANG MAKUKULONG – LACSON
ni Ernie Reyes

Isang malaking krimen ang pagkalugi ng ekonomiya na aabot sa P118.5 bilyon dahil sa ghost flood control projects sa nakaraang tatlong taon, nguni’t higit na mas mabigat na krimen ang ang hindi pagparusa sa mga sangkot dito, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.
Tinukoy ni Lacson ang pagtataya ni DOF Secretary Ralph Recto na ang mga ghost flood control projects ay nagdulot ng P118.5 bilyon na lugi sa ekonomiya – katumbas ng hanggang 266,000 trabaho.
“With DOF’s mind-boggling estimated economic loss of P118.5 billion due to ‘ghost’ flood control projects, if those responsible go unpunished, the government may be committing a bigger crime against the Filipino people,” ani Lacson sa X.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026 noong Martes, ibinunyag ni Recto na ang ghost flood control projects ay nagdulot ng lugi sa ekonomiya na nasa pagitan ng P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon mula 2023 hanggang 2025.
Ani Recto, nakakadismaya na habang napakahirap magkalap ng kita para sa gobyerno, hindi pala ito napupunta sa mga proyektong dapat magdulot ng pakinabang sa mga Pilipino.
Nauna nang ibinunyag ni Lacson na mahigit P1.9 trilyon ang inilaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025. Gayunman, patuloy pa ring nararanasan ng mga Pilipino ang pagbaha.
Muling iginiit ni Lacson, na naglatag ng mga katiwalian sa mga anomalya sa flood control projects sa kanyang talumpati noong Agosto 20, na dapat siguraduhin na may “certainty of punishment” laban sa mga sangkot – kabilang ang pagsampa ng kaso, paghatol, at pagkulong.
“Pag walang nakikitang napaparusahan ang logical conclusion, mae-encourage pa yan sa nagmamasid sasabihin nila lumulusot naman, tayo na rin,” ani Lacson.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
