PAGPASLANG sa ex-NAI legal researcher sa paglalantad ng anomalya, KINONDENA

Ni Ernie Reyes

Matinding kinondena ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang brutal na pagpaslang kay Niruh Kyle Antatico, 40 taong gulang, dating senior legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA) sa Region 10 na pinatay sa Cagayan de Oro City.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na malaki ang hinala na may kinalaman ang pagpaslang kay Tantico sa paglalantad nito ng katiwalian sa ahensiya na may kinalaman sa pondong nakalaan sa magsasaka.

“Taos-pusong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Niruh Kyle Antatico, 40-anyos, ang dating senior legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA) Region 10 na brutal na pinagbabaril sa Cagayan de Oro City noong Biyernes,” ayon kay Pangilinan, chairman ng Senate committee on food and agriculture.

Aniya: “Mariin nating kinokondena ang pagkitil sa buhay ni Kyle, na ang tanging ‘krimen’ ay ang magsalita ng katotohanan at ilantad ang diumano’y katiwalian na may kinalaman sa mga pondong nakalaan para sa ating mga magsasaka.”

Dahil dito, nanawagan si Pangilinan sa law enforcement agencies na bilisan ang pagdakip sa mga suspek sa Pagpatay kay Kyle.

“Bawat araw na walang nanagot, lalong nagiging walanghiya ang mga salarin, lalong nawawalan ng tiwala sa pamahalaan ang taumbayan,” giit ng senador.

“Ninanakawan na ang taumbayan, papatayin pa? Lalo tayong ginagalit ng sinumang may pakana sa pagpatay kay Kyle. Magpupursigi tayo sa paglantad at pagtigil ng mga anomalya sa NIA, sa pondong nakalaan para sa mga magsasaka at mangingisda, at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan,” aniya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews