FLOOD CONTROL SCANDAL, INILILIGAW NG ‘MASTERMIND’; UTAK NG KORAPSIYON TUTUKAN – Cayetano

Ni Ernie Reyes

Umapela si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Huwebes sa mga Pilipino na manatiling nakatutok upang mapanagot ang tunay na utak ng korapsyon sa halip na madala sa mga pampulitikang isyu at ingay na naglilihis sa tunay na problema.

Ayon kay Cayetano, nagiging “circus” na ang kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon, bagay na sumisira sa imahe ng bansa at lumilihis sa mga taong tunay na nakikinabang sa katiwalian.

“Eyes on the ball tayo, liligawin tayo ng mga mastermind,” ani Cayetano sa panayam ng mga mamamahayag nitong October 23, 2025.

“Hindi sustainable y’ung paraan kung paano natin na-aaddress ang massive corruption. We have to be decisive, kailangan may major reforms, tunay na pagbabago. Kailangan may makulong,” dagdag niya.

Babala niya, nagiging pulitikal ang paghawak ng mga kaso ng korapsyon, dahilan para magdulot ng kalituhan at kawalan ng tiwala sa publiko.

“Napaglalaruan tayo and I am fed up with being played around with,” aniya.

Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang kaso ni Senator Joel Villanueva na una nang naibasura.

Aniya, hindi dapat ito maging dahilan upang lumihis ang Senado o ang publiko sa mga totoong isyu ng korapsyon.

Kamakailan, iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ipatupad ang 2016 dismissal order laban kay Villanueva kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang 2008 Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong kongresista pa ito. 

Ngunit nilinaw ni dating Ombudsman Samuel Martires na ibinasura na ang kaso noong 2019 matapos aprubahan ang mosyon para sa reconsideration ni Villanueva.

“Klarong-klaro po iyan. Wala siyang (Remulla) isusulat sa Senate President sapagkat na-dismiss na y’ung kaso na yan,” wika ni Cayetano.

Giit pa ng senador, ang ginagawang parang palabas sa publiko ang mga isyu ng korapsyon ay nagpapahina sa mga institusyon ng gobyerno at nagpapasama sa reputasyon ng bansa sa mga mamumuhunan at overseas Filipinos.

“The way we’re doing it na parang circus araw-araw, lubusang naapektuhan ang image ng ating bansa,” wika niya.

Hinimok ni Cayetano ang publiko na manatiling mapagmatyag at ituon ang panawagan sa tunay na pananagutan at reporma, hindi sa mga pampulitikang palabas.

“Hindi ako tumanda sa public service at pulitika para paglaruan ng mga corrupt. Let’s not be distracted. Ang tunay na laban ay laban sa mga mastermind, hindi sa mga palabas,” aniya.   

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews