Suporta sa mabilisang pagtatayo ng silid-aralan, dumadami; LGUs sumanib pa – Aquino

Ni Ernie Reyes

Dumadami ang bilang ng grupo at indibiduwal ang sumusuporta na maipasa kaagad ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) matapos magkaisa ang mahigit 200 opisyal ng local government units (LGUs) na pawang panukala ni Senador Bam Aquino.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino, pangunahing awtor ng CAP na layunin nitong tugunan ang kakulangan ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Layunin ng Senate Bill No. 121, na inakda ni Aquino, na i-decentralize ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng pagbibigay-pahintulot hindi lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi pati na rin sa mga lokal na pamahalaan at mga kwalipikadong non-government organizations (NGOs) na may napatunayang kakayahan sa pagpapatayo ng mga paaralan, upang makapagtayo ng mga silid-aralan na naaayon sa pamantayan at alituntunin ng Department of Education (DepEd) sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa panukala ni Aquino ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) na pinamumunuan ng national president nito na si Echague Mayor Inno Dy, Naga City Mayor Leni Robredo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Tampakan Mayor Leonard Escobillo, Infanta, Quezon Mayor LA Ruanto, Marikina Mayor Maan Teodoro, at Akbayan Partylist Reps. Chel Diokno at Perci Cendana.

Sumama rin sa pagpapahayag ng suporta ang iba’t ibang vice governor, vice mayor, konsehal, board member, at mga dating lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

“Kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa hangarin ni Senador Bam Aquino na mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng Classroom-Building Acceleration Program,” wika ni Belmonte.

“Patuloy nating tinutugunan ang pangangailangan sa mga silid-aralan sa Quezon City, at tiwala akong makatutulong ang programang ito upang mapabilis pa ang mga proyekto at matiyak na bawat bata ay may maayos at ligtas na espasyo para sa pagkatuto,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Belmonte ang kapwa Local Chief Executives (LCEs) na suportahan ang inisyatibong ito ng pagtatayo ng mga silid-aralan at ipakita na “we are capable of upholding honest, efficient, and accountable governance.”

Ayon kay Mayor Escobillo, na nagsisilbi ring pangulo ng LMP–South Cotabato chapter at LMP vice president para sa Mindanao cluster, handa ang mga lokal na pamahalaan na gampanan ang papel na ito at makipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang maresolba ang kakulangan ng mga silid-aralan.

Nagpahayag din si Mayor Teodoro ng katulad na sentimyento at nakiisa sa panawagang ilipat na sa LGUs ang tungkulin sa pagtatayo ng mga silid-aralan.

“Local governments are ready to build and complete more classrooms. We join the call of PBBM and Sen. Bam Aquino to devolve classroom construction to LGUs, ensuring faster implementation, better cost efficiency, and stronger accountability at the local level,” ani Teodoro.

“It is critical that we prioritize the learning environments for the next generation. We fully support Senator Bam Aquino’s Classroom-building Acceleration Program (CAP) Act, which will empower LGUs to build classrooms,” wika ni Ruanto.

“Ang pagbibigay-kapangyarihan sa DepEd, LGUs, at NGOs na umaksyon at itayo ang mahahalagang espasyong ito ay hindi lamang tungkol sa imprastraktura. Ito ay tungkol sa pamumuhunan sa mas magandang kinabukasan para sa bawat batang Pilipino, na nagbibigay sa kanila ng pantay na pagkakataon na matuto at umunlad,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ng suporta sina Diokno at Cendana sa panukala, na sinabing ito ay magpapalakas sa kakayahan ng LGUs na magpatayo ng de-kalidad at ligtas na mga silid-aralan.

“The Administration should prioritize the welfare of our youth and certify this proposed measure as urgent so we can provide every Filipino student with a safe, complete, and conducive place to learn. Once enacted into law, this measure will empower local government units (LGUs) and qualified non-government organizations to take part in building classrooms efficiently and transparently,” giit ni Diokno.

“We need the Classroom-Building Acceleration Program Act championed by Sen. Bam Aquino upang pabilisin ang pagpapatayo ng mga classrooms. Ma-e-empower natin ang mga local governments and NGOs na magtayo ng dagdag na silid aralan,” wika naman ni Cendana, na nagsabing kailangan ng mabilis na aksyon para maisalba ang sistema ng edukasyon ng bansa.

Sumuporta rin sa panukalang ito ang mga pinuno, fellows, at miyembro ng Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership at Jesse M. Robredo Foundation, sa pangunguna ni Naga City Mayor Leni Robredo, at nanawagan sa Pangulo na sertipikahan bilang urgent ang nasabing panukalang batas.

“The nation faces a significant, crisis-level shortage of classrooms and learning spaces, directly impacting the quality of education for millions of Filipino children. This legislative measure is crucial for immediately addressing this gap,” the group said.

Una nang nanawagan si Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas upang mapabilis ang pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Kapag naisabatas, sinabi ni Aquino na ang Senate Bill No. 121 ay makatutulong sa inisyatiba ni Pangulong Marcos na direktang ipadaan ang pondo sa mga LGU upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga kinakailangang silid-aralan.

Sa pagdinig ng Senado sa DPWH budget, nagpahayag si Public Works Secretary Vince Dizon ng buong suporta sa panukala ni Aquino, na sinabing bukas ang ahensya sa mga pakikipag-partner na makatutulong sa pagpapabilis ng pagtatayo ng mga kinakailangang silid-aralan sa buong bansa. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews