Bam ginawaran ng Doctor of Education ng PLM: ‘Pagkilala sa Free College Educ’

0

Ni Ernie Reyes

Iginawad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kay Senador Bam Aquino ang Doctor of Education, Honoris Causa degree bilang pagkilala sa kanyang pagsulong ng Libreng Kolehiyo Law, na pinakikinabangan ngayon ng milyun-milyong Pilipinong estudyante.

Tinanggap ni Aquino ang naturang parangal nitong Miyerkules sa PLM Graduation Ceremonies, kung saan siya rin ang nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita.

“Today, we confer on him our highest honor, Doctor of Education, Honoris Causa. We award this in recognition of Senator Bam’s meritorious contribution to the advancement of education in our country as a student, as a youth leader, and as a legislator-senator,” wika ni Atty. Edward Serapio, chairman ng PLM Board of Regents.

“Senator Aquino’s public service is marked by a relentless focus on expanding access to quality education and strengthening the systems that sustain it. Notably, he authored and championed the Free Tuition in Higher Education agenda that culminated in the Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Republic Act 10931, for which many of you are beneficiaries,”dagdag pa niya.

Ayon kay Serapio, ang naturang batas ay patunay sa pagnanais ni Aquino na maging accessible ang higher education sa bawat Pilipino na nais matuto at makapag-ambag sa lipunan.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na ginawaran si Aquino ng honorary doctorate, matapos niyang tumanggap ng parehong Doctor of Education, Honoris Causa mula sa Tarlac State University (TSU) noong 2017.

Bilang principal sponsor ng Republic Act No. 10931, pinangunahan ni Aquino ang pagsusulong ng nasabing batas noong siya ang chairperson ng Senate Committee on Education noong 2017.

Kamakailan, nangako si Aquino na ipagpapatuloy ang pagtiyak sa pondo para sa 3.5 milyong benepisyaryo ng Libreng Kolehiyo Law sa mga SUCs, LUCs, at private educational institutions sa ilalim ng 2026 national budget.

Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 2.2 milyong estudyante sa SUCs at LUCs ang direktang nakikinabang sa RA 10931, habang 1.3 milyong estudyante naman sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo ang nakakakuha ng tulong sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP) sa ilalim ng parehong batas.

Sa kanyang talumpati, muling ipinanawagan ni Aquino na ilipat ang ₱260 bilyon na inilaan para sa mga flood control project sa edukasyon, kalusugan, at iba pang mahahalagang serbisyo publiko.

“Edukasyon, hindi korapsyon. Tanggalin ang pondo sa flood control, ilagay sa classroom. Tanggalin iyong pondo sa flood control, ilagay sa tulong para sa guro. Tanggalin iyong pondo sa flood control, ilagay sa mas maraming scholarship and subsidiya para sa mga kabataan natin,” giit ni Aquino. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *