Tunay na reporma, mangyayari sa ‘revival’ – Cayetano

0

Ni Ernie Reyes

Naniniwala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na mangyayari lang ang tunay na reporma sa bansa kung mararanasan ng bawat Pilipino ang tinatawag niyang “revival of the heart,” o muling pagbangon ng puso.

Aniya, walang pulitikal o legal na solusyon na magtatagumpay kung hindi ito nakaugat sa salita ng Diyos.

“The problem of the country is not just political problem — spiritual problem ito,” wika ni Cayetano sa ika-43 anibersaryo ng All for Christ Church Taguig nitong October 26, 2025.

“Habang ang pag-asa natin ay nakasalalay sa mga politiko at bagong batas, walang mangyayari kung hindi natin itatayo [ang mga ito] sa salita ng Diyos,” wika niya.

Ayon kay Cayetano, hindi lang pulitikal o legal ang mga problema ng bansa kundi moral at espiritwal din. Marami raw ang naghahangad ng pagbabago, pero nakalilimutan ang pinakamahalagang hakbang — ang pagbabagong nagmumula sa puso.

“Gusto natin, reform na kaagad kaya walang nangyayari. Bakit? Kasi walang revival sa puso,” wika niya.

Ipinaliwanag ng senador na ang revival ay nagsisimula sa pagpapanumbalik ng relasyon ng tao sa Diyos, na nagbubunga ng pagkakaisa sa simbahan at reporma sa bansa.

“Revival means to bring back life.. ‘Pag nagkaroon ng revival sa puso, restoration sa simbahan, at reformation sa bansa — doon lang tayo tunay na babangon,” wika niya.

Dagdag niya, nananatiling bihag ang Pilipinas sa “vicious cycle” ng katiwalian at imoralidad dahil inuuna pa rin ng marami ang pulitikal na rebolusyon kaysa sa espiritwal na pagbabago.

“(Gusto natin) mastop y’ung vicious cycle natin sa drugs, sa corruption, sa immorality and everything, ‘di ba? At mapalitan ‘yan ng virtuous cycle. Pero hindi mangyayari ‘yan if we demand a revolution rather than a revival,” wika niya.

Hinimok din ni Cayetano ang mga simbahan na ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng revival sa kanilang mga komunidad dahil ayon sa kanya, ang pananampalataya ang dapat laging mauna bago ang anumang reporma.

“Ipag-pray natin na like your church, churches will continue to share the revival, and will continue to restore into the kind of church that our Lord Jesus Christ wants,” aniya. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *