BILL DEPOSIT NG CONSUMER SA ELECTRIC COMPANIES, COOP, LULUSAWIN NI GATCHALIAN
Ni Ernie Reyes
Nakatakdang lusawin ni Senador Win Gatchalian ang sinisingil na bill deposit ng lahat ng power companies kabilang ang electric cooperatives at distribution utilities upang maibsan ang bigat na pinapasan ng consumer.
Sa pahayag, sinabi ni Gatcahlian na layunin ng Senate Bill No. 1470 o ang Anti-Bill Deposit Act na tanggalin ang koleksiyon ng bill deposit na nagpapahirap sa consumer ng elektrisidad.

Ayon kay Gatchalian, ang Anti-Bill Deposit Act, ay nag-uutos din ng agarang refund ng mga umiiral na bill deposits at naipong interes.
Ang bill deposit ay isang security deposit na kinakailangan mula sa mga customer upang garantiyahan ang pagbabayad ng kanilang mga bayarin sa kuryente sa hinaharap.
“Sa ganitong paraan, masisiguro nating pantay-pantay at abot-kaya ang access ng lahat sa kuryente, nang hindi na kailangang magbayad ng deposito,” pahayag ni Gatchalian.
Ang iminumungkahing hakbang ay nag-uutos din sa Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng independent audit sa lahat ng bill-deposit accounts at magreseta ng mga alternatibong credit-risk na hindi nakabatay sa deposito, tulad ng prepaid o pay-as-go metering systems, installment o staggered payment arrangements, at voluntary credit insurance o guarantee schemes.
Sa ilalim ng panukalang batas, dapat na i-refund ng mga DUs at ECs ang lahat ng umiiral na bill deposits, kasama ang naipong interes hanggang sa petsa ng actual release.
Ang refund ay pwedeng cash, tseke, o electronic transfer, maliban na lang kung pipiliin ng mga konsyumer na gamitin ito para sa kanilang susunod na bayarin.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
