Todong Transparency sa Budget Bill, Tinukuran ni Lacson: ‘NO TO FMR’
Ni Ernie Reyes
Matindi ang suporta ng mayorya kay Senador Sherwin Gatchalian sa pagtataguyod ng ganap na transparency sa deliberasyon ng 2026 budget bill laban sa pagpupulit ng ilang kongresista na maglaan sa “tagong pork barrel.”
Ganito ang tindig ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson nitong Martes kay Gatchalian matapos lumutang sa budget bill ang pondong inilaan sa farm-to-market (FMR) projects na walang malinaw na pagkakakilanlan o kung saang lupalop ng bansa itatayo.
Ani Lacson, kasabay nito ang paglapit sa resolusyon ng dalawang iba pang isyu na may kinalaman sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at sa apela ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maibalik ang ibinawas sa badyet, matapos humingi ng paumanhin si DPWH Secretary Vince Dizon sa Senado dahil sa pagsusumite ng “insufficient data” sa bicameral deliberations.
“With equal urgency and importance is the new FMR issue raised by Sen. Francis Pangilinan. At least P5 billion worth of FMR projects are not properly identified, even revised from what the Senate approved on third reading: no grid coordinates, description, etc. Based on our majority caucus yesterday, we cannot and will not allow that. For the sake of full transparency, we stand four-square behind our panel under the leadership of its chairman, Sen. Gatchalian,” diin ni Lacson.
Sa panayam, sinabi ni Lacson na dapat ipaliwanag at itama ng Department of Agriculture (DA) ang isyu upang matapos ng mga mambabatas sa tamang oras ang bicameral conference committee proceedings.
Binanggit niya ang mga paunang impormasyong nagpapakitang hindi alam ng DA kung saan nagmula ang kuwestiyonableng P5 bilyong FMR items—na nagbubukas ng posibilidad na muling pumasok ang katiwalian sa budget bill.

“Saan galing ang bagong items? Kalokohan na naman yan. Parang umiwas sa flood control projects, meron na namang ibang, na-circumvent na naman, iba namang proyekto naman ang pwedeng pagkakitaan,” ani Lacson sa panayam.
Iginiit ni Lacson na kailangang alisin ng parehong kapulungan ng Kongreso ang lahat ng palatandaan ng katiwalian sa 2026 budget bill, kahit pa magresulta ito sa mas mahabang deliberasyon at isang reenacted 2025 budget sa unang bahagi ng 2026.
“My position is – Better a reenacted budget in January or even in the entire first quarter of 2026 than an unchecked, corruption-conducive and worse, graft-ridden GAA. Most of my colleagues, at least in the majority bloc share the same sentiment,” aniya.
Tungkol naman sa isyu ng apela ng DPWH na maibalik ang ibinawas sa kanilang badyet, sinabi ni Lacson na “whatever we decide as the Senate, at least by the majority, will be conveyed to the House through the Senate panel.”
“Kailangan walang bagong items na papasok otherwise ma-open ang floodgates doon na naman sa insertion na di namin papayagan din,” dagdag pa niya.
Samantala, iminungkahi ni Lacson na higit pang isulong ang transparency sa bicameral conference committee sa pamamagitan ng paglalantad ng mga napag-uusapan tuwing may suspension sa deliberations.
Aniya, marami sa mga netizens ang nagkomento na kahit may livestream, hindi malinaw kung ano ang napag-uusapan kapag naka-off camera ang mga pag-uusap.
“Maganda ang maski mag-suspend ang pinagusapan behind the cameras, i-divulge din nila. Ito napagusapan namin during suspension, pero ginagawa naming on record at naka-livestream ang aming pinagusapan kanina para mas maliwanag,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Lacson na ikinatutuwa niyang hindi na siya nag-iisa sa pagsusulong ng reporma sa badyet, at binanggit na ang Senado sa ilalim ni Senate President Vicente Sotto III at ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ay nagsagawa na ng mga reporma, kabilang ang pagla-livestream ng mga pagdinig, pati na ang bicameral conference committee.
“At the end of the day, I am happy that under the 20th Congress and under the leadership of Senate President Sotto, I am no longer on a lonesome and lonely crusade to reform the national budget,” aniya.
“It’s about time. Kasi ito na ang opportune time. Wala nang ibang panahon kung saan namulat ang kababayan natin, naglabas ng galit at lahat, huwag na natin palampasin yan. Opportunity natin ito. Huwag natin i-lose ang opportunity na ito,” dagdag niya.
