1BANGSA OPISYAL NANG SUMUPORTA SA PRESIDENTIAL BID NI VP SARA SA 2028
Ni Darwell Baldos
Opisyal nang nagpahayag ng suporta ang One Bangsamoro Movement (1Bangsa) para sa presidential bid ni Vice President Inday Sara Duterte sa 2028 elections, kasabay ng nakatakdang pagdedeklara nito ng kanyang kandidatura sa nalalapit na halalan.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Miyerkules, Pebrero 18, binigyang-diin ng grupo na may malalim na kahulugan para sa Bangsamoro people ang anunsyo ni Duterte dahil ito’y nataon sa banal na buwan ng Ramadan—isang panahon ng pagbabago, disiplina, at sinseridad.

“It is a season when leaders are called to act with moral clarity and spiritual accountability before God and the people,” sabi ng grupo.
Pinuri ng 1Bangsa ang naging papel ng Duterte administration sa pagpasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagsilbing daan upang makamit ng rehiyon ang tunay na awtonomiya. Nanawagan din ito laban sa “divide-and-rule tactics” na anila’y nagbabalakid sa mga natamong tagumpay ng rehiyon.
“In this moment of fragmentation, we cannot allow divide-and-rule tactics to weaken the gains achieved through sacrifice and unity,” dagdag ng pahayag.
Sinabi ng grupo na si Duterte ang may “Mindanaoan resolve, Bangsamoro sensitivity, at national perspective” upang pag-isahin ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng iisang adhikain.
Nagtapos ang pahayag sa kanilang adbokasiya: “1BANGSA for Sara in 2028,” para sa pagkakaisa at katatagan ng bansa.
Pangunahong nilagdaan ang pahayag ni Maulana “Alan” A. Balangi, National President ng One Bangsamoro Movement at Lead Convener ng 1Bangsamoro Coalition.
