PAG-ALIS NG EXCISE TAX SA LANGIS, HINDI SAPAT; DAPAT KASAMA PATI VAT – Sen. Erwin

Ni Ernie Reyes

Idiniin ni Senador Erwin Tulfo na hindi sapat ang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pasanin ng Pilipino sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sanhi ng mabilis na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ad hoc committee nitong Lunes, Abril 13, 2026, iminungkahi ni Tulfo na ang pagbabawas ng excise tax ay dapat sundan sa pagtanggal ng value-added tax sa produktong petrolyo upang mapagaan ang pasanin sa mataas na presyo ng pangunahing  bilihin—at hindi lamang para sa pasahero at may-ari ng sasakyan.

“May mga nagsasabi po, Mr. Chair, na yung pag-suspinde po sa excise tax na ipinasa po natin dito, isinumite na po sa Pangulo, will not be sufficient,” ani Tulfo sa pagdinig.

Inilarawan ng senador ang pagkaltas ng 10 porsiyentong excise tax na maganda “para sa isang press release” at mararamdaman ng mga may-ari ng sasakyan at drayber ngunit hindi ng publiko sa pangkalahatan.

“Pero actually, hindi po talaga mararamdaman ng mga tao po ito, itong 10 percent reduction sa excise tax,” sabi ng senador, na nagmungkahi na dapat ding alisin ang VAT upang makinabang ang publiko sa ganitong pansamantalang pagbabawas o pagtanggal.

“Mararamdaman po ito kung yung VAT din ay aalisin din po natin. Pero kung aalisin natin ang excise tax sa mga gasolina, mararamdaman po ng konti yun ng mga may sasakyan. Pero yung mga nag-commute po, hindi nila mararamdaman po ito,” anang senador.

Sinabi niya na sa kanyang bersyon ng panukala na Senate Bill No. 1935, ang VAT sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo ay awtomatikong sususpindihin din kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ay umabot sa $80 bawat bariles.

 Ang panukalang batas ay nagmumungkahi rin na ipawalang-bisa ang VAT sa mga

imported na produktong petrolyo kapag naabot na ang parehong antas ng presyo.

Bukod dito, layunin ng panukalang ito na awtomatikong itigil ang pangongolekta ng excise taxes sa mga produktong petrolyo kapag umabot o lumampas ang pandaigdigang presyo ng langis sa $80 kada bariles.

Sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, sa parehong pagdinig, na pinag-aaralan ng ahensya ang mga implikasyon ng anumang panukala na makakaapekto sa kabuuang fiscal and economic system.

Noong Marso 25, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa kanya ng emergency power na suspindihin o bawasan lamang ang excise tax rate sa gasolina.

Ang pagbawas sa excise tax sa diesel at gasolina, gayunpaman, ay aabutin ng 15 araw matapos pirmahan ni Marcos ang batas bago ito magkabisa.