KIM CHIU, KINA-IINGGITAN?!?

MATAPOS siyang tanghaling Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition noong 2006, wala ni isang manghuhula sa tabi ng simbahan ng Quiapo ang nagbando na tatanghaling isang malaking bituin at magiging sought-after star ang dalagitang tubong Tacloban, Leyte, pero lumaki sa piling ng kanyang lola na taga-Cebu, ang tinaguriang Tsinita Princess, Kim Chiu o si Kimberly Sue Chiu sa tunay na buhay, the rest is history na, ika nga.
Makalipas ang labingsiyam (19) taong pananatili sa daigdig ng lokal na libangan, unti-unting gumuhit ng sariling tatak ang batang Kim Chiu sa pamamagitan ng pagganap sa mga obrang merong iba’t ibang genres sa mga teleserye ng ABS-CBN sa ilalim ng Dreamscape sa pamamahala ni the late Roldeo Endrinal.
Tanda natin, naging malaking artista si Kim sa seryeng “Binondo Girl” at mula noon ay pumailanlang na ang kanyang bituin hanggang sa mabigyan siyang gumanap sa mga importanteng pelikula sa ilalim ng Star Cinema.
Fast forward tayo ngayong 2025, nineteen years after, lalong nagningning ang bituin ni Kim Chiu kasabay ng kanyang mga samu’t saring product endorsements na halos hindi na siya magkandaugaga para ito matugunan. Mula sa brand ng sanitary pad, fast food chain, brand ng sasakyan, calendar girl ng isang alak, si Kim ang naging tampok na halos linggo-linggo ay merong ganap na malaking event.
Bukod pa roon ang kaliwa’t kanang imbitasyon sa iba’t ibang okasyon sa loob at labas ng Metro Manila gaya sa dinaluhan nilang birthday celebration ng isang congressman sa Surigao del Norte kamakailan, kasama ang kanyang ka-tandem, ang multi-awarded actor, si Paulo Avelino, na ayon sa mga tsikababes meron na raw espesyal na unawaan ang dalawa.
Totoo ka, Virginia, gumuhit ng kakaibang impact sa industriya ng libangan ang tambalang Kim Chiu at Paulo Avelino at kaya nabuo ang KimPau label. Bago nga pumasok ang 2024, merong nabuong teleserye para sa dalawa, ang “Linlang”, na dahil sa masiglang pagtangkilik ng manonood, nasundan ito ng adaptation ng Korean drama, “What’s Wrong with Secretary Kim?” na gaya sa unang tandem ng KimPau, tinangkilik din ito ng masa at dahil sa tagumpay ng unang dalawang proyekto, agad itong sinundan ng pelikulang “My Love will Make You Disappear” na ayon sa huling ulat, tumabo ito ng mahigit isang bilyon sa worldwide screening nito ng nasabing Chad V. Vidanes opus, plus itong The Alibi teleserye.
Imagine, wala pang dalawang taon bilang tandem, naka-apat na project na sila kaya nga tinaguriang unexpected tandem or loveteam ang KimPau na hindi inaasahang magdudulot ng kakaibang kilig sa tuwing sila ay nagpi-perform sa iba’t ibang event sa loob at labas ng bansa. At hindi lang mga Gen-Z ang nahuhumaling sa kanilang tandem kundi maging ang mga Senior Citizens, mga lalaki at babae, pati mga paslit na bata-batuta at lahat ng gender ay totoo po namang naging tagasubaybay sa dalawa.
At sa kabila ng pamamayagpag ng movie at television career ni Kim Chiu at bilang matagumpay na entrepreneur, hindi maiwasang sumulpot ang mga bashers sa Queen of the Dance Floor, na pawang personal ang mga birada, kaya masasabing merong hibo ng pagka-inggit mga taong utak-talangka sa katanyagan na tinatamasa ni Kim.
Ika nga, you can’t please everybody, and so be it nalang.
At sa loob ng halos dalawang taon, laging patok ang KimPau tandem gaya sa kanilang live appearances sa Dubai, sa Milan, Italy, at sa Birmingham, UK. At sa darating na Agosto, mahigpit ang hiling ng Filipino community roon na isama sa 30 years celebration ng Sunday noontime variety show na ASAP ang tambalang KimPau sa Bermingham, UK sa ikalawang pagkakataon.
Kaya masasabing may halong inggit kung kaya’t dumarami ang mga bashers kay Kim Chiu, na ipinagkikibit-balikat lang naman ng artistang naging breadwinner sa edad sixteen at nakapagpatapos ng kapatid na babae bilang flight stewardess at isang pilot na naka-base na sa Canada at sampu ng mga pamangkin na kanyang pinag-aaral, sa kabilang wala siyang natanggap na diploma para sa kanyang sarili.
Sabi nga ng isang observer: “Kim Chiu is not just a star…she’s the standard!”
