Senador Tulfo at World Vision Philippines, Tumulong sa mga Evacuee ng Barangay Tatalon
ni Alfredo “Buboi” Patriarca Jr.
Nagtulong-tulong si Senator Erwin Tulfo at ang World Vision Philippines upang magbigay ng tulong sa mga evacuees mula sa Barangay Tatalon na pansamantalang naninirahan sa Diosdado Macapagal Elementary School.
Ang pagtutulungan ay ginawa bilang tugon sa pinsalang dulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa nasabing barangay.
Sa pangunguna ni Senador Tulfo, namahagi ang grupo ng mga relief goods tulad ng bigas, de-lata, tubig, at hygiene kits sa mahigit 200 pamilyang apektado. Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng agarang aksyon at kooperasyon sa panahon ng kalamidad.
“Hindi natin hahayaang magutom o mapabayaan ang ating mga kababayan. Patuloy tayong magtutulungan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at maayos na kondisyon,” pahayag ni Tulfo.
Dagdag naman ni World Vision Philippines Executive Director Rommel Fuerte, bukod sa immediate relief, naghahanda rin sila ng psychosocial support at educational assistance para sa mga batang apektado.
Ang Diosdado Macapagal Elementary School ay itinalagang evacuation center matapos lumikas ang mga residente dahil sa pagbaha at mga peligrong dulot ng patuloy na pag-ulan. Ayon sa lokal na pamahalaan, patuloy ang monitoring upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga evacuees sa kani-kanilang tahanan.
Ang donasyon at suporta ay bahagi ng mas malawakang relief effort kasama ang iba’t ibang ahensya at NGOs. Hinikayat ang publiko na mag-ambag sa pamamagitan ng opisyal na channels ng World Vision at lokal na pamahalaan ng Quezon City.
