DFA KINALAMPAG ni Cayetano sa diplomatikong solusyon vs US immigration crackdown sa Pinoy
Ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Foreign Affairs DFA) na gamitin ang mga diplomatikong paraan upang matulungan ang mga Pilipino sa Amerika na apektado ng immigration crackdown sa ilalim ng Trump administration.
Ito ay sa gitna ng pagkakaipit ng mga Pilipino dahil sa mahigpit na mga polisiya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa Amerika.

“We (the US and Philippines) have permanent interests. Our relationships matter. We must always have a solution,” giit ni Cayetano, na dating Foreign Affairs Secretary, sa kahalagahan ng diplomasya sa pagtugon sa mga alalahanin ng mga apektadong kababayan sa ibang bansa.
Muling nagsalita si Cayetano sa usaping ito matapos ang deliberasyon ng Senate Committee on Finance Subcommittee I deliberation nitong October 14 tungkol sa panukalang 2026 budget ng Department of Foreign Affairs.
Sa pagdinig, iniulat ng DFA ang kasalukuyang mga hakbang nito para tumulong sa tinatayang 250,000 hanggang 300,000 Pilipino sa US na nanganganib madeport.
Tinalakay rin ng subcommittee ang tulong na ibinibigay sa mga marinong Pilipino na nakakulong kahit kumpleto at tama ang kanilang mga dokumento.
Napag-usapan din ang koordinasyon ng DFA at Department of Migrant Workers (DMW) upang masiguro ang legal at repatriation assistance, pati na rin ang epekto ng bagong dagdag-bayad sa H-1B visa. Ayon sa tala, nasa 5,248 Pilipino ang nag-apply para sa nasabing visa noong 2024.
Ilang buwan na ang nakalipas nang umapela si Cayetano sa bagong talagang Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, na tinawag niyang “very able career diplomat,” na gamitin ang kanyang karanasan at koneksyon sa ibang bansa para harapin ang mga masalimuot na isyu sa foreign policy, lalo na ang mga suliranin ng mga Pilipino sa Amerika.
“Our dear incoming Secretary has a lot of relationships. Aasa po kami sa inyo… Because in diplomacy, unlike politics, it’s not a zero sum game,” aniya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews