LTO, BOC LUMAGDA SA MOA PARA MAGTULUNGAN LABAN SA CAR SMUGGLING
QUEZON CITY — Pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC) noong Martes, Oktubre 21, upang palakasin ang kanilang pagtutulungan laban sa car smuggling.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatatag ang dalawang ahensiya ng isang task force na tututok sa paglaban sa ilegal na pagpasok ng mga sasakyan sa bansa.

Nakiisa sa paglagda sina LTO Chairman Assistant Secretary Marcus V. Lacanilao at BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno. Kasama rin sa seremonya sina Atty. Martin Ontog, Atty. Jek Casipit, at Assistant Commissioner Anthony Vincent Maronilla.
Sa isang press conference, iginiit ni Lacanilao na ang paglagda sa MOA ay higit pa sa simpleng seremonya dahil magiging daan ito sa pagbuo ng LTO-BOC Task Force. Aniya, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ganap na i-digitalize ang proseso ng pagpaparehistro at pagsubaybay sa mga datos upang maiwasan ang panloloko at matiyak ang transparency.
Samantala, naniniwala si Nepomuceno na mapapalakas ng kooperasyon na ito ang kampanya laban sa car smuggling, sa kabila ng maraming problemang kinakaharap ng bansa. Idinagdag din niya na ang pakikipagtulungan ng LTO at BOC ay tugon sa utos ng Pangulo na kumpletuhin ang digitalization ng mga proseso sa loob ng parehong ahensiya.
Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews