Sa Ikatlong Pagkakataon: BAGONG PAG-GOGOBYERNO NI VICO, SINUPORTAHAN NG PASIGUEÑO

PASIG CITY | Inilampaso ng Team Giting ng Pasig ang mga kalaban nitong kandidato sa Lungsod ng Pasig. Mula sa partial, unofficial result ng Comelec as of 10:06PM May 13, 2025.

Sobrang layo ng lamang ni incumbent Mayor Vico Sotto mula sa mahigpit na kalaban nitong si Sarah Discaya ng Team Kaya This. 345,375 ang nakuhang boto ni Vico samantalang 29,104 lamang ang kay Sara.

Gayundin sa pagka bise alkade nanguna ng milya-milya si Dodot Jaworski laban kay Bernardo. 285,358 ang boto na ibinigay ng mga Pasigueno kay Dodot samantalang 70,934 lamang ang tinanggap ni Bernardo.

Maging sa mga konsehal sa una at ikalawang distrito, nanguna ang line-up ng Team Giting laban sa mga katungali nito mula sa ibang Team.

Sa 1st District naguna sa pagka konsehal sina (incumbent) Simon Tantoco,(incumbent) Kiko Rustia, (incumbent) Pao Santiago, (incumbent) Volta delos Santos, (incumbent) Eric Gonzales, at pang anim si Paul Senogat. Ang anim na nabanggit ay mula sa Team Giting ni Mayor Vico. Nakuha naman ni Beauty Queen Shamsey Supsup-Lee ang ika pitong pwesto.

Nanguna rin sa 2nd District ang mga kandidato ng Giting at mga incumbent na sina Angelou de Leon, Maro Martirez, at Bobby Agustin. Pang apat naman si Warren Inocencio sinundan ni Boyie Raymundo, at pang anim na pwesto si Ryan Enriquez. Lahat sila ay mula sa Team Giting ni Mayor Vico. Nasa pang pitong pwesto naman si incumbent councilor Syvel Asilo ng Nacionalista Party.

Ang konseho ng Pasig ay binubuo ng 14 na members, labing dalawa rito ay inihahalal ng mga taga Pasig, anim mula sa unang distrito at anim din mula sa ikalawang distrito.

Wagi rin si incumbent Congressman Roman Romulo laban kay Ian Sia na kamakailan ay nadisquilified ng Comelec dahil sa pagbibiro nito sa mga single moms. Si Romulo ay kilalang kaalyado din ni mayor Vico.

Ang makasaysayang pagkapanalo ng buong pwersa ng Team Giting ay patunay na kahit anong klaseng paninira ang gawin ng mga kalaban ay solido parin ang suporta ng mga Pasigueño sa bagong pag-gogobyerno na ipinapakita at ipinaramdam ni Mayor Vico sa dalawang termino nitong panunungkulan bilang ama sa Lungsod ng Pasig.  

Mababatid na sa huling Miting de Avance ng Team Giting, na dinumog ng libu-libong supporters, ay iginiit ni Vico na hindi lang sila na mga kandidato ang sinuportahan ng mga taga Pasig, kundi ang mga nagawa niyang pagbabago at reporma sa lungsod. Ang pagtataguyod ng mabuting pamamahala sa lungsod ang tinitindigan nila at ipinaglaban simula pa noong 2019.

Ito rin ang nakita at naramdaman ng mga Pasigueño kaya suportado nila ang ikatlong termino ng kanilang alkalde na si Vico Sotto.

Darwell Baldos nag-uulat mula sa RoadNews