COMELEC: Ibinasura ang Motion ni Congressman-elect Joey Uy, Ipinagutos ang pagproklama kay Abante
MANILA | Patuloy na pinatitibay ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang desisyon na kanselahin ang proklamasyon ni Luis “Joey” Uy bilang kinatawan ng ika-6 na distrito ng Maynila, matapos tanggihan ang kanyang motion for reconsideration. Ayon sa Comelec, hindi natural-born Filipino si Uy, kaya’t wala siyang karapatang umupo sa posisyon.
Sa isang 12-pahinang resolusyon na inilabas noong Hunyo 30, 2025, iginiit ng Comelec En Banc na si Uy, na nakuha ang pagkamamamayan mula sa kanyang naturalisadong ama, ay itinuturing lamang na naturalized Filipino at hindi maaaring maging miyembro ng House of Representatives ayon sa Saligang Batas. Nilabag umano ng kanyang proklamasyon ang Seksyon 6, Artikulo VI ng 1987 Constitution, na nagsasaad na dapat natural-born citizen ang mga mambabatas.
Ang kaso ay inihain ni Bienvenido “Benny” Abante Jr., na nagsabing hindi kwalipikado si Uy dahil sa kanyang pagiging anak ng mga Tsino. Noong Hunyo 18, 2025, pinaboran ng Comelec Second Division si Abante at idineklara na walang bisa ang proklamasyon ni Uy, at si Abante ang tunay na nanalo.
Tinutulan ito ni Uy, na nagsabing lampas na sa 25-araw na reglementary period ang petisyon at mali umano ang interpretasyon sa batas ng pagkamamamayan. Gayunpaman, binasura ng Comelec En Banc ang kanyang mga argumento.
Inatasan na ng Comelec ang Manila Board of Canvassers na mag-reconvene at iproklama si Abante bilang lehitimong kinatawan ng ika-6 na distrito ng Maynila.
(Darwell Baldos)
