PAMUMULITIKA SA SAHOD: DESISYON NG KONGRESO, ISANG TRAHEDYA PARA SA EKONOMIYA!

Tapang Para sa Ekonomiya!

Ni Weng Torres

SA isang bansang lugmok pa rin ang ekonomiya sanhi ng pandemya, pinili ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pinakamadaling ‘pam-pulitika’—ngunit pinakawalang-hanggang ‘pang-ekonomiyang’—solusyon sa kahirapan: isang pantay-pantay na ₱200 arawang dagdag-sahod para sa lahat ng minimum wage earner sa pribadong sector.

Sa 171 kongresistang bumoto ng pabor, akala mo’y nalutas na nila ang problema ng manggagawang Pilipino. Pero ang totoo, binabantaan nilang gibain mismo ang pundasyon ng ating ekonomiya: ang mga lokal na negosyo at ang trabahong iniaalok nito.

Hindi ito laban sa pagtataas ng sahod—kundi laban sa isang palpak at mapanganib na polisiya. Oo, kailangang tumaas ang sahod.

Sa Metro Manila, ang minimum wage na ₱645 kada araw ay may kalayuan sa ₱1,225 na family living wage. Karapat-dapat sa manggagawang Pilipino ang mas maayos na kita. Pero hindi ito ang tamang paraan!

Bakit ito isang malaking pagkakamali?

1. PAGPATAY SA MSMEs – Ang Micro, Small, at Medium Enterprises (MSMEs) ang bumubuo sa 99.63% ng negosyo at nagbibigay ng trabaho sa 67% ng workforce.

Ang isang maliit na karinderya sa probinsya o barberya sa lungsod ay hindi kakayanin ang dagdag na ₱4,400 kada buwan sa bawat empleyado.  Ang resulta? Tanggalan. Pagsasara. Kawalan ng trabaho. At hindi basta trabaho—kundi ang mga natitirang oportunidad sa bansa.

2. PABABALIK SA IMPORMAL NA EKONOMIYA: Dahil sa mahina ang enforcement, maraming negosyo ang pipiliing ‘lumabas sa sistema’,  para iwasan ang dagdag-gastos. Ang manggagawa ang talo—mawawalan sila ng ‘SSS, PhilHealth, at job security’.

3. WAGE-PRICE SPIRAL: LALALA ANG INFLASYON: Kapag tumaas ang labor cost, tataas din ang presyo ng mga bilihin. Bubulusok ang inflation, kakainin ang halaga ng dagdag-sahod, at hihiling ulit ng mas malaking increase. Ang ending? “Stagflation”—tumataas ang presyo, pero stagnant ang ekonomiya.

4. PAGLALA NG OFW CRISIS:  Kapag nawalan ng trabaho ang mga Pilipino, ‘lalong dadami ang mga mapipilitang mag-abroad’. Hindi solusyon ang dagdag-sahod kung ang kapalit ay mas maraming pamilyang mawawalan ng hanapbuhay.

Sino ang talagang talunan? Hindi ang mga kongresistang naghain nito para magpa-gandstanding at magmukhang  “pro-worker.” Hindi rin ang malalaking korporasyon.

Ang totoong biktima ay ang mga maliliit na negosyante at kanilang empleyado. Mga tindera sa palengke. Operator ng traysikel at jeepney. Mga tauhan sa karinderya at maliit na pabrika. Lubog na nga sila sa mahal na singil sa kuryente, red tape, at kakulangan ng pondo—itong dagdag-sahod ang magiging huling pukpok sa kanilang negosyo.

PULITIKA LANG ITO—HINDI TULONG SA MANGGAGAWA: Gusto lang ng mga mambabatas na magmukhang bayani bago ang eleksyon sa 2028. Pero ang totoo, sinusunog nila ang ekonomiya para sa pansariling interes. Ano ang mensahe nito sa mga investors?  Na sa Pilipinas, ang sahod ay  nasa desisyon ng mga pulitiko, hindi ng merkado. Na maaaring bigla na lang tumaas ang labor cost ng walang productivity increase.

Samantalang ang mga karatig-bansa natin tulad sa Vietnam at Indonesia, sila ay maingat sa wage hikes, iniintindi ang kapasidad ng mga namumuhunan. Thailand—nag-backtrack sa wage increase matapos ang protesta ng business sector.

Tayo? Tuloy ang pagiging short-term thinker.

ANG TUNAY NA SOLUSYON: REPORMA, HINDI PAGDAMI NG DAMAY! Kung gusto natin ng mas mataas na sahod, dapat lumago muna ang ekonomiya. Narito ang mga dapat gawin: 1. Bawasan/alisin  ang red tape sa mga transaksiyon ng gobyerno at palakasin ang MSMEs. Dagdagan ang access sa murang pautang. Bawasan ang bureaucratic requirements sa negosyo.

2. Taasan ang productivity, hindi lang ang sahod: I-align ang edukasyon sa pangangailangan ng industriya.  Mag-invest sa skills training.

3. Ayusin ang gobyerno: Wakasan ang pork barrel at korapsyon. Prioritize infrastructure, hindi politika.

4. Hikayatin ang foreign investments: Gawing mas madaling mag-negosyo sa Pilipinas. Bawasan ang singil sa kuryente at logistics cost. Kung gagawin ito, lalago ang trabaho, tataas ang sahod nang natural, at hindi mabuburo ang ekonomiya.

Kongreso, tama na ang pa-pogi para takpan ang kahinaan. Ang tunay na pagmamalasakit sa manggagawa ay hindi pagpasa ng batas na magpapasara sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Kung ipipilit ninyo ito, ang ₱200 na dagdag-sahod ay maitatala ito hindi bilang tagumpay, kundi isang malaking pagkakamali—ang araw na pinili ng gobyerno ang pagpapapogi kaysa sa tunay na pag-unlad! Dapat mas mataas ang sahod—pero hindi sa paraang papatay sa hanapbuhay ng mismong mga manggagawa at mamumuhunan.