ROBIN PADILLA, NILALABANAN ANG SARILING INDUSTRIYANG LUMIKHA SA KANYA

NAGPAPAKITA na nga ba ng kanyang tunay na kulay si Robin Padilla, ang aktor na senador ng bayan?
Ito ay nang kanyang ugitin at ihain ang Senate Bill 2805, siyempre, sa Senado, kung saan mas lalawak ang kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa pagsisensor o pagbabawal o pagputol sa mga eksena ng isang pelikula o ang kabuuan nito na para sa pamantayan at pananaw ng mga taga-Lupon ng sensura ay hindi umaayon sa batas ng ahensiya o kaya naman ay sa pansariling panlasa at pagtingin sa mga bagay-bagay.
Nais saklawin ng MTRCB ang live streaming ng mga pelikula, halimbawa’y sa YouTube, Facebook, Instagram, X (ang dating Twitter), email at iba pang apps tulad ng Netflix, Vivamax, IWantTV, Prime Video, Amazon at marami pang iba.
Ang katwiran ni Robin o ni Senador Padilla ay nakakasira sa moralidad ng lipunan, lalo na (kahit hindi niya tahasan at kongkretong sinabi na Vivamax) ang mga nagpapalabas ng mga seksing pelikula sa live streaming apps ng Viva Films ni Vic del Rosario at ng kumpanya.
Idiniin ni Binoe ang pagsira sa moralidad ng mga kabataan na lantad na lantad na sa mga soft-porn o kaya naman ay ang sinasabing malaswang palabas kung saan ang mga boobs o pribadong bahagi ng katawan lalo na ng mga kababaihan (aktres) ay kitang-kita sa iskrin ng digital apps. Pati na rin ang dyugdyugan (kahit na peke lamang) ay napapanood nang napakatagal o nakababad sa lovemaking ng babae at lalaki (aktor). Kahit ang mga kalalakihan sa pelikula ay nagpapakita na rin ng nakakapagpalibog na mga aksyon para sa merkado (tagatangkilik) ng kababaihan o kabaklaan.
Idinagdag pa ng panukalang-batas (kundi man si Robin ang nagsasalita) na ang banyagang mga streaming apps tulad nga ng Netflix o Amazon at iba pa ay nagpapalabas na rin ng mga proyektong labag sa kaugalian o tradisyon ng isang lipunan tulad ng Pilipinas.
Gayunman, ang talagang tinutumbok ng panukalang-batas ay ang mga nakakadarang na sekswal na mga tagpo sa Vivamax o iba pang lokal na lagusan ng digital na tanghalan ng mga pelikula.
Napakarami ngang sumusubaybay sa Vivamax mula sa ating mga kababayan, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Milyun-milyon na ang sumisipi sa tsanel na ito ng komunikasyon at sukat nang mabulabog ang mga naghaharing-uri sa kaganapang ito.
Maitatanong naman kung paano nagbunga ang mungkahing ito na maging batas ang bill na ito.
Galing lang ba mismo ito sa utak ni Padilla at sarili niyang pananaw at diskarte ang kanyang batayan sap agakda ng panukalang ito?
O may mga nakipag-usap sa kanya mula sa iba’t ibang sektor para gawan ng batas ang lumalagong pagdaluyong ng sekswal na panoorin sa social media?
Mga moralista bang konserbatibo mula sa iba’t ibang klase ng pananampalataya sa bansa, halimbawa’y mula sa Romano Katoliko, Iglasia ni Cristo, Sabadista o Seventh Day Adventist, Saksi ni Hehuba o Jehovah’s Witness, mga pananalig na Born Again Christian o puwede ring mula sa sangay ng Islam at iba pang relihiyon?
Mga negosyante kaya ng ibang digital platform o mga investor sa new media na nais mangibabaw nang husto o magmonopolyo ng kalakaran sa konsyumirismo ng showbiz?
O mga civil group kaya na kontra sa mga pelikulang taliwas sa kanilang prinsipyo?
Maaari ring mga intelektwal o mga may pagmamalasakit sa kanilang kapwa na base sa kanilang subhektibong paniniwala?
Hindi pa klaro kung saan nanggaling ang ideyang ito.
Ang malinaw ay mula kay Senator Robin ang panukala na suportado ng iba pang senador na nakikibakas sa kanyang simulain.
Ang Hepe ng MTRCB, ang anak nina Tito Sotto at Helen Gamboa na si Lala Sotto-Antonio, ang isa sa mga pumapanig sa aktong ito ni Padilla.
Matagal na ngang nais ni Lala na sensorin kundi man ipatigil ang paggawa at pagtatanghal sa live streaming na panooring nagtataglay ng saganang sekswal na pagpapakita ng buhay.
Ngayon ay nakatagpo siya ng kakampi sa lehislatura, si Binoe nga.
At meron pang ibang sangay ang lipunan na pumapalakpak sa hakbang na ito.
Pero ang industriya mismo ng pelikula ay tutol sa pag-aruba at pagpapatupad ng regulasyong ito.
Nauna nang nagpahayag ng kanyang pagtutol ang batikan at premyadong direktor na si Carlos Siguion-Reyna, anak ng namayapang progresibong prodyuser na si Armida Siguion-Reyna at asawa ng aktres, manunulat at feministang si Bibeth Orteza.
Ayon kay Carlos, kilala rin sa tawag na Carlitos Siguion-Reyna, nakakabahala ang panukalang ito kung ipapasa ng Senado.
Ito ani Siguion-Reyna ay papatay sa kalayaan ng mga manlilikhang taga-pelikula dahil ang pelikula ay isang uri ng sining na dapat ay malaya.
Mawawalan din ani Carlitos ng trabaho ang mga taga-showbiz na sumasandig lang sa kakarampot na kita, ngayon pa namang wala nang masyadong nanonood ng pelikula sa mga sinehan kung hindi sa digital apps na lamang ng live streaming.
Paano naman kaya ang magiging reaksyon ng taga-ibang bansang namumuhunan sa OTTS o Over-the-Top Media Services?
Ang sumunod na naglabas ng kanilang opisyal na pahayag ay ang Cinematographers Guild o ang Lupon ng mga Pilipinong Sinematograpiko o LPS.
Ayon sa LPS, ang bill kung maisasabatas ay pagbabalik sa pagkontrol ng estado sa sining ng pelikula tulad noong Batas Militar. Pagpatay rin ito sa kalayaan sa paglikha ng mga taga-pelikula.
Kinuwestyon naman ng internationally acclaimed director na si Brillante Ma. Mendoza ang motibo ni Robin sa pag-ugit ng panukalang-batas dahil sa mula ani Brillante ang aktor sa industriyang ito, nagkapangalan, nagkapera, nagkaimpluwensiya nang dahil sa pelikula pero masdan na kinakalaban niya ang ahensiyang nagdulot sa kanya ng mga biyayang ito.
Ipinunto pa ni Mendoza na dapat pagbalingan ni Robin ng kanyang atensyon ang katiwalian sa gobyerno na nagpapahirap sa mga mamamayan na kanyang mga tagahanga.
Ayon pa kay Dante Mendoza, imbes na makatulong si Padilla sa kapwa mga manggagawa sa peliula ay ito pa ang nagbubulid sa kahirapan at kawalan ng trabaho.
Kung hindi pa ani Brillante namatay ang beteranong aktor na si Eddie Garcia ay hindi pa matutugunan ang Eddie Garcia Bill na sumusuporta sa mga kondisyon ng paggawa ng mga taga-pelikula at iba pang audio-visual na proyekto.
Bakit nga naman ito pa ang inuna ni Binoe sa kanyang pambabatas?
Mas marami pang mas makabuluhan at mas katangi-tanging batas na puwede siyang likhain tulad ng lalo pang pagtataas ng bayad sa mga manggagawa, lalo na ang teknikal na mga trabahador sa showbiz at ang pagbibigay ng mga trabaho o pagkakakitaan ng mga ito nang regular.