mrr

NOONG Hunyo 12, 2025, ginunita natin ang ika-127 taon ng kasarinlan o kalayaan ng ating bansang Pilipinas.

Ang kasarinlang ito ay bunga ng pakikihamok ng ating mga bayani para kumawala sa tanikala ng mga dayuhang mananakop mula sa mga Kastila, Hapones at Amerikano.

At marami ang nagpapahayag na hindi pa rin natin nakakamit ang lantay na kalayaan dahil sa wala tayong masasabing tunay na pag-unlad sa usapin ng ekonomiya, dahil naka-depende  ito sa importasyon. Ang usapin ng ating politika ay naka-angkla sa impluwensiya ni Uncle Sam at ibang impluwensiyadong bansa. Pati ang ating kultura ay merong bahid ng kanluran at naglalaho ang tunay nating pagkakakilanlan bilang lahing Pilipino.

At nariyan ang banta ng tiyak na kaguluhan sa pangha-harass ng bansang China sa ating Philippine Coast Guard at Philippine Navy na nagpapatrulya sa nasasakupan nating West Philippine Sea (WPS).

Kasabay rin ang paggunitang ito, ang ikatlong-araw (Hunyo 9-12) na pagdaraos ng kilos-protesta ng iba’t-ibang sector sa ating lipunan sa harapan ng Senado, para ipanawagan ang agarang paglilitis para sa impeachment kay Pangalawang Pangulo Sara Zimmerman Duterte, dahil sa kanyang hindi maipaliwanag kung paano ginastos ng kanyang tanggapan  at Kagawaran ng Edukasyon ang halagang umaabot sa PhP612 milyon na galing sa kaban ng bayan.

At gaya ng mga nakagawian, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng ating Pambansang Bayani Gat. Jose Rizal sa Luneta. At ang buod ng kanyang talumpati ay ang panawagan na dapat isulong ng bawat mamamayan ang pagkakamit ng pagkakaisa, at kapayapaan tungo sa pagdadamayan ng bawat Pilipino para harapin ang iba’t ibang hamon sa darating  na panahon.

Dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga gobernador, lokal na ehekutibo, kasapi ng Gabinete, at ilang mga dignitaries mula sa mga embahada ng ating mga kaibigang bansa sa Dulong-Silangang Asya, Europa, Gitnang Silangan, Amerika at mga kasapi ng Nagkakaisang Bansa (UN).

Pinangunahan ng Pangulo ng Senado Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang pagdiriwang ng kasarinlan sa Simbahan ng Barasoain. Matatandaang sa nasabing simbahan isinagawa ang unang pagdeklara sa Kasarinlan ng Pilipinas.

Iisa ang  ipinahayag ni Senador Escudero,  na palaganapin ang pagkakaisa at kapayapaan tungo sa pagtataguyod ng ikabubuti ng kalagayan ng sambayanan.

Pero ang kanyang pagiging urong-sulong para i-convene ang mga Senator Judges para sa impeachment trial kay VP Duterte, ay naging mitsa para magkaroon ng isang malawakang pagkilos mula sa mamamayang naghahanap ng transparency at accountability, na dapat ipinapakita ng bawat halal na lider ng bansa.

Sa Bantayog ng Dambana ng Pinaglabanan sa San Juan, si Mayor Francis Zamora at mga opisyal ng Sangguniang Panglungsod ang nanguna sa paggunita ng Araw ng Kalayaan.

Sa mga pinagdausan ng seremonya, iisa ang ipinapahiwatig sa atin na ang pagbubuwis na buhay ng ating mga bayani,  kung kaya’t nakamit natin ang minimithing kalayaan.

At ang kalayaang ito ay nagiging mabuway dahil sa hindi tayo tinatantanan ng mga barkong pandigma ng China na regular na nakatanod sa karagatang sakop ng ating economic zone. Katunayan nga, nagtayo pa ng mga artificial islands ang China na ginawa nilang military bases.

Sa ganitong senaryo, masasabi nating nanganganib ang ipinaglabang kasarinlan ng ating mga bayani dahil sa presensiya ng China at sa hayagan nitong pangha-harass.

Kaya’t tahasan nating sasabihing, meron bang patutunguhan ang ating kasarinlan?