BOSS HB

GRABE  na talaga ang sistema ng small claims sa isang MTC!

Akala natin, simplified at mabilis na proseso para sa maliliit na kaso, pero ang totoo, parang “guilty until proven innocent” ang peg.

Kahit halatang walang utang ang isang tao at may solidong ebidensya pa, hahatulan pa rin ng bayad! Ano ‘to, “kangaroo court” na?

At ang lala ng mga judges—ang sagot pa sa reklamo: “Kung may mali, kasuhan niyo sa higher court!”

Eh, sino ba’ng may pera at oras para maghabol sa mga ganyang kaso?

Ang punto ng small claims ay mabilis at murang hustisya, pero kung ang ending ay “finality decision agad”, para saan pa?

Parang sinasabi nila: “Kami na’ng nagkamali, kayo na’ng mag-adjust!” Dapat bang tanggapin na lang na “fixed” ang sistema? Na kahit anong proof ang ipakita mo, basta’t may demandang pera, automatic may hatol? Kung ganyan lang din, bakit hindi na lang sila maglagay ng “vendo machine” sa korte, lagay mo complaint, labas ng desisyon, bayad kaagad!

Sa totoo lang, nakakadismaya. Ang small claims, dapat ay para sa ordinaryong tao, pero kung pati dito ay palpak at biased, saan pa lalapit ang mga inaapi? “Justice delayed is justice denied” nga raw—pero dito, kahit mali, ipipilit pa rin!

Dapat baguhin ‘to! Hindi pwedeng gawing negosyo ang hustisya. Kung ang small claims ay magiging shortcut lang para sa mga bogus na kaso, dapat managot ang mga judges na nagpapatupad nito nang walang puso’t konsensya.