MGA BANGKO NAGPATUPAD NG PANTAY NA 20% BUWIS SA INTEREST INCOME

Nagsimula nang ipatupad ng mga pangunahing bangko ang bagong tax rates sa interest income mula sa mga deposit product matapos magkabisa ang Republic Act 12214 o ang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) noong Hulyo 1.

Kinumpirma ng Metropolitan Bank & Trust Co. (Metrobank), Union Bank of the Philippines, at Security Bank Corp. na ang interest income mula sa peso at foreign currency accounts ay papatawan na ng pantay na 20 porsiyentong final withholding tax (FWT), anuman ang termino o uri ng pera.

Layunin ng batas na gawing mas inclusive at efficient ang financial system sa pamamagitan ng pagpapasimple sa tax treatment ng passive income at capital market transactions, habang isinasaayon ang mga polisiya ng bansa sa global standards.

“Ang repormang ito ay kapaki-pakinabang para sa mga institutional at indibidwal na Filipino investor na nagnanais palaguin at pag-iba-ibahin ang kanilang investment portfolio,” pahayag ng Metrobank sa isang advisory.

Ang interest sa foreign currency deposit unit (FCDU) accounts, kabilang ang time deposits at CASA accounts, ay papatawan na rin ng 20 porsiyentong FWT. Dati, ito ay may 15 porsiyentong buwis lamang.

Ipinatupad din ng Security Bank ang parehong adjustments, at binigyang-diin na ang CMEPA ay sumusuporta sa adhikain ng gobyerno na alisin ang preferential tax treatments at itaguyod ang patas na sistema sa pananalapi.

“Ang CMEPA ay isang modernong reporma na naghahanay ng Pilipinas sa global practices. Nakakatulong ito sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapadali sa mga negosyo na makapag-raise ng pondo, tinitiyak na maayos na pamamahala ng gobyerno sa pananalapi, at hinihikayat ang mas maraming mamumuhunan sa lokal na financial markets. Maaari na ring makinabang ang mga investor sa mas simple at predictable na tax regime,” dagdag nito.

Gayunpaman, lininaw ng mga bangko na ang mga existing placements bago ang Hulyo 1 ay mananatiling sakop ng dating tax rates hanggang sa maturity.

Halimbawa, ang long-term peso deposits na inilagay bago ang Hulyo 1, 2025 ay susunod pa rin sa graduated tax schedule:  0% para sa limang taon; 5% para sa apat hanggang wala pang limang taon; 12% para sa tatlo hanggang wala pang apat na taon; at 20%*para sa wala pang tatlong taon.

Ang mga kliyenteng may valid tax exemption ruling mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay patuloy na mag-e-enjoy ng tax-exempt status sa ilalim ng bagong sistema.

(Darwell Baldos nag-uulat para sa RoadNews)