Ang Deal ni PBBM at Trump: Tama Ba o Malaking Pagkakamali?

Narinig na ba natin ang kasunduan sa taripa sa pagitan ng ating Pangulong Bongbong Marcos at Pangulong Donald Trump ng USA?
Bumaba raw ang taripa ng mga produktong Pilipino papuntang Amerika mula 20% tungo sa 19%, at ikinatuwa na ito n gating Pangulo.
Samantalang ang mga produktong galing sa US ay patuloy na walang taripa pagpasok sa Pilipinas. Mukhang maliit na pagbabago, ngunit bakit itinuturing ng maraming ekonomista na isang malaking peligro sa ating ekonomiya at kaunlaran?
Kung iisipin, parang patas ang usapan, mas mababa na ang buwis sa ating mga eksport, di ba? Ngunit bakit tila mas malaki pa rin ang pakinabang ng Amerika kaysa sa atin? Isipin natin ang 1% na bawas sa taripa ay halos walang saysay kung ihahambing sa zero tariff na tinatamasa ng mga kalakal ni Uncle Sam.
Ano ang ibig sabihin nito? Mas madaling makakapasok dito ang murang gatas, karne, at trigo mula sa US, samantalang ang ating mga magsasaka at negosyante ay patuloy na naghihirap sa pagbebenta sa kanilang merkado.
Narito ang nakakabahalang tanong: Paano makakalaban ang ating mga magsasaka kung babahain ang pamilihan ng mas mura at subsidized na produkto mula sa Amerika? Paano na ang ating mga nagtatanim ng mais, nag-aalaga ng manok, o gumagawa ng lokal na keso kung mas pipiliin ng mga konsyumer ang mas mura ngunit imported na alternatibo? Hindi ba’t ito ang simula ng pagbagsak ng ating agrikultura?
At bakit kaya napapayag ang administrasyon sa ganitong kalabisan? May kapalit ba silang malaking benepisyo, o nagpadala lang sila sa pressure ng isang makapangyarihang bansa? Bakit hindi nila naipaglaban ang mas makatarungang kondisyon? Dapat bang unahin ang politikal na relasyon kaysa sa kinabukasan ng ating mga magbubukid at maliliit na industriya?
Kung hindi aaksyunan ng gobyerno ang isyung ito, baka sa susunod na taon, wala nang matirang lokal na produkto sa ating mga palengke. Dapat bang hintayin nating tuluyan nang mamatay ang ating agrikultura bago tayo kumilos?
Ang huling tanong: Tama bang ipagpalit ni Marcos Jr. ang ating pagsasarili sa ekonomiya sa isang deal na tila ba’t lalong nagpapahina sa ating ekonomiya? O dapat nang balikan at ayusin ang kasunduang ito bago pa mahuli ang lahat? Kung kaya pa?
