ANG PAGBAHA SA METRO MANILA: LALONG LUMALA?

TAON-TAON na lang, kapag panahon ng habagat at bumuhos ang malakas na ulan, nagiging bahagi na ng buhay ng mga taga-Metro Manila ang paglubog ng mga lansangan sa baha. Nakakapagod, nakakainis, at higit sa lahat, nakababahala.
Bakit ba parang walang nagbabago at tila baga mas lumalala pa? Tapos sa halip na solusyon, ang naririnig natin ay puro palusot at sisihan ng mga nasa poder.
Ang MMDA, sisisihin ang mga residente dahil sa basura; ang mga lokal na opisyal, ibabato sa national government ang kapalpakan; ang mga kongresista, magsasabing “kulang sa pondo” o “hindi pa tapos ang proyekto.” Pero saan napupunta ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa flood control? Bakit hanggang ngayon, kapag umulan nang malakas, tila bumabalik tayo sa parehong sitwasyon, trapik, baha, at pagdurusa?
Korapsyon nga ba ang ugat ng problema? Maraming proyektong inanunsyo, mga pumping station, drainage rehabilitation, at floodway expansion, pero bakit parang puro papel lang ang mga ito? May mga lugar na ilang taon nang sinasabing “inaayos,” pero pagdating ng ulan, lalong lumalala ang baha. Dapat na bang maghinala ang taumbayan? Nasaan ang transparency sa paggastos ng pondo? Bakit hindi malaman kung talaga bang natapos ang mga proyekto o ninakaw lang ang pera?
At ang pinakamalaking tanong: Bakit hinahayaan ng pamahalaan na patuloy na manirahan ang mga tao sa mga peligrosong lugar, malapit sa ilog at estero, nang walang maayos na relocation plan? Hindi ba’t responsibilidad ng mga lider na siguruhing ligtas ang mga mamamayan, imbes na pabayaan silang magtayo ng mga bahay sa mga lugar na dapat ay waterway?
Ano nga ba talaga ang tunay na solusyon? Kailangan ng malawakang rehabilitasyon ng drainage system, hindi yung puro pansamantalang paglilinis lang, kundi isang komprehensibong plano na susugpo sa ugat ng problema. Tama na naman si Yorme Isko, dapat ayusin ang urban planning: bawal na dapat ang pagtatayo ng mga istruktura sa mga floodway, kahit pa may koneksyon ang mga developer sa pulitiko. Kailangan din ng mas mahigpit na batas laban sa paggamit ng plastic at mas epektibong waste management system. Bakit kaya hindi pagplanuhan at i-implement yang waste to energy na yan?
Pero higit sa lahat, kailangan ng pagkakaisa at accountability. Hindi na dapat maulit ang nakakahiyang eksena ng mga pulpuitikong nagtuturuan habang lumulubog sa baha ang mga ordinaryong pamilya. Dapat nang tanungin ng taumbayan: “Kailan ba kayo kikilos nang tama? Kailan ninyo ipakikita na tunay kayong nagmamalasakit?”
Ang pagbaha ay hindi lang problema ng kalikasan, problema ito ng pamamahala. Kung patuloy na magbubulag-bulagan ang mga nasa kapangyarihan, hinding-hindi matatapos ang paghihirap ng milyon-milyong Pilipino sa bawat pag-ulan. Oras na para humingi ng tunay na pagbabago, at oras na para panagutin ang mga pabaya.
