BAGONG TAGARAN SA ILALIM NG PAMUMUNO NI KAPITAN BENJIE BALAUAG

ni Weng Torres

NOONG mga nakaraang dekada, ang Barangay Tagaran ay itinuturing na isa sa mga medyo nahuhuling komunidad sa lungsod ng Cauayan.

Bilang isang taong lumaki sa sentro ng bayan, tila malayo at hindi gaanong maunlad ang lugar na ito. Ngunit sa paglipas ng panahon, at sa aking pagbabalik sa aking bayang sinilangan, napilitan akong manirahan sa Tagaran, isang barangay na unti-unting umuunlad, bagamat hindi pa rin gaanong kasimbilis ng progreso sa mismong lungsod.

Sa ilalim ng mga nakaraang administrasyon, limitado ang mga nakikitang pagbabago. Madilim at lubak-lubak ang mga kalsada, bihira ang mga tao sa barangay hall, at tila walang masiglang programa para sa mga residente.

Subalit nang dumating ang 2023 panahon ng barangay eleksyon, nagkaroon ng pag-asa ang mga mamamayan nang magtakda sila ng bagong lider, si Kapitan Benito “Benjie” Balauag.

Nasaksihan natin ang unang isang taon ng kanyang panunungkulan, kitang-kita na ang kanyang dedikasyon. Aktibo siya sa social media, transparent sa mga proyekto, at agad na nagsagawa ng mga kongkretong hakbang.

Kabilang dito ang paglilinis ng mga kalsada, pag-aayos ng mga sirang daan, at pagpapatupad ng maayos na drainage system. Hindi ito naging “ningas-kugon,” tulad ng inaasahan ng iba, bagkus ay patuloy at epektibong pagbabago.

Sa aspeto ng imprastraktura, pinaayos niya ang mga kalsada, naglagay ng mga street lights, at siniguro ang maayos na drainage system upang maiwasan ang pagbaha.

Pagdating naman sa pagtugon sa mga hinaing ng mamamayan, mabilis siyang kumilos, sa isang text o reklamo lamang, agad siyang gumagalaw, halimbawa ang isyu tulad ng illegal na pagtatambak ng basura.

Hindi rin nagpahuli ang kanyang administrasyon sa paghahanda sa mga sakuna.

Sa panahon ng bagyo, handa ang kanyang team sa pag-clear ng mga apektadong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente. Bukod dito, napabuti rin ang peace and order sa barangay dahil sa mas aktibong pagroronda ng mga tanod at maayos na ugnayan sa PNP.

Kung ihahambing sa mga nakaraang administrasyon, mas organisado at progresibo ang pamamahala ni Kapitan Benjie. Ramdam ng mga residente ang kanyang malasakit at dedikasyon, na nagresulta sa isang mas matatag at nagkakaisang komunidad.

Sa kabuuan, ang liderato ni Kapitan Benjie Balauag ay nagdulot ng makabuluhang pagbabago sa Barangay Tagaran.

Sana’y magpatuloy pa ang kanyang magagandang programa upang lalong mapaunlad ang kanyang nasasakupan.

Tunay nga na sa kanyang pamumuno, masasabi nating “KAP BENJIE, IKAW NA!”