PAULIT-ULIT nalang ang tanawing nagiging dagat dahil sa tubig-baha ang maraming lugar sa Kalakhang Maynila o National Capital Region (NCR), particular ang mga pangunahing kalsada.

Nitong nakaraang bagyong ‘Crising’, na sinabayan pa ng Habagat, nataranta ang maraming komunidad sampu ng mga institusyon na merong pakialam sa ganitong mga kalamidad, kaya naman nagmistulang daluyong ang pagdagsa sa mga evacuation center ng mga mamamayan na apektado ng baha.

Gaya ng inaasahan, nagkanya-kanyang pabida ang mga pinunong-lungsod para pangunahan ang de-clogging sa mga baradong drainage sanhi ng mga basurang nagbara na siyang itinuturong dahilan ng pagbaha.

Merong sumingit na dahil daw sa itinambak na dolomite sand sa ginawang beach front sa tabi ng Embahada ng Amerika, nu’ng panahon ni FRRD, sa pangunguna ng dating under-secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pinondohan ng P398-M, ang isa sa mga sanhi ng baha sa Lungsod ng Maynila, dahil natakpan daw nito ang apat na spillway ng mga drainage na siyang labasan ng tubig-baha.

Ang isang tanong: Saan at pa’no ini-implement ang mga programang flood control sa NCR na taun-taon namang merong nakalaang budget ang mga LGUs bukod pa sa pondong inilalaan ng mga Kongresman sa kani-kanilang distrito?

Sa labing-anim (16) na lungsod na nakapaloob sa National Capital Region, at sa mga Kinatawan ng mga distrito ng bawat munisipyo, hindi ba’t merong blueprint ang kani-kaniyang flood control program bukod pa sa programa ng Metro Manila Development Authority (MMDA)?

Isa pang tanong: Nagkakaroon ba ng mga kosultasyon at brainstorming ang mga kinatawan ng bawat lungsod para upuan ang pagsasaayos ng mga flood control project ng bawat lungsod?

Kung meron mang ganitong mga konsultasyon, programa, planning, ito ba’y nai-implement ng maayos?

At pa’no ba ito natitiyak na epektibo ang mga nagawang flood control at kung natitiyak bang isinagawa na ang de-clogging sa mga baradong imburnal at kung maayos bang pinapatupad ang paghahakot ng mga basura at kasunod sa tamang pag-dispose nito?

At parati nalang nagbabatuhan ng sisihan ang mga LGUs sampu ng mga pinuno sa antas nasyunal, at kinakaligtaan na kung pa’no ba lilikha ng isang pangkalahatan at kumprehensibong programa at plano para sa tugunan sa kagyat at pangmatagalang solusyon ang pirwesyong pagbaha.

Hindi lamang buhay ng ating mamamayan, hanapbuhay ng mga padre-de-pamilya, at lahat ng naghahanapbuhay, at ang ating kalusugan ang apektado sa tuwing bumabaha, kundi lalo na ang ekonomiya ng mga LGUs at ang national treasury ay apektado rin.

Hindi pa naman huli ang lahat, meron pang remedyo, kung talagang tututukan ng ating mga lingkod-bayan ang problemang ito bago pa dumating ang tag-ulan at bagyo at huwag nang hintayin tuwing sumasapit ang tag-ulan na merong kasamang bagyo. Daig ng maagap ang masipag, ika nga.

At sabi nga, ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan! (Art Tapalla)