EDAD 10 NA BATA, PWEDE NA MAGING KRIMINAL – Sen. Robin Padilla

ISANG panukalang batas ang inihain ni Senator Robinhood Padilla na naglalayong ibaba sa 10 taong gulang ang minimum na edad ng pananagutang kriminal.

Layon ng naturang panukala na amyendahan ang Republic Act (RA) No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, kung saan tinatanggal ang exemption sa kriminal na pananagutan para sa mga batang nasa edad 10 hanggang 17 na gumawa ng malulubhang krimen.

Sa kasalukuyang batas, itinakda ang minimum na edad ng pananagutan sa 15 taong gulang.

Ayon sa mga pagbabagong isinusulong, ang mga batang nasa edad 18 pababa sa 10 taong gulang na sangkot sa krimen ay dapat ilagay sa Bahay Pag-asa o isang 24-oras na institusyong nag-aalaga sa bata, maliban kung ang kasong isinampa ay isang malubhang krimen.

Dagdag dito, ang isang batang nasa edad 10 pataas pero wala pang 18 taong gulang na gumawa ng malubhang krimen ay hindi na maaaring exempt sa kriminal na pananagutan.

Kabilang sa mga malulubhang krimen ang parricide, murder, infanticide, kidnapping, serious illegal detention kung saan ang biktima ay pinatay o ginahasa, robbery with homicide o rape, destructive arson, rape, carnapping kung saan ang driver o pasahero ay pinatay o ginahasa, at mga paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang higit sa 12 taon pagkakakulong.

Sa ilalim ng panukala, ang probisyon na kung ang batang nahuli ay 15 taong gulang pababa ay dapat sumailalim sa community-based intervention program sa ilalim ng local social welfare officer ay hindi na mag-apply kung ang kaso ay malubhang krimen.

 Binabago rin ng panukala ang edad 12 sa kasalukuyang batas at ginagawang 15 hanggang 18 taong gulang pagdating sa paulit-ulit na paglabag, at idinadagdag ang salitang “non-heinous” bago ang salitang offense.

Pagdating sa automatic suspension of sentence, ito ay mag-apply lamang kung ang bata ay wala pang 18 taong gulang at kung ang kanyang kaso ay “non-heinous” offense. Gayundin, ang dismissal of the case para sa mga batang 15 taong gulang pababa ay magiging applicable lamang kung ito ay hindi malubhang krimen.

Aniya, “Ang kasalukuyang batas ay hindi na sapat, kung hindi man lubusang nagkukulang, sa pagpapanagot sa mga batang nagkasala, mula sa simpleng paglabag hanggang sa malulubhang krimen.” (RoadNews Imbestigative Team)