“Hindi Kriminal ang Bata” (Suportado ang Juvinile Justice Law) – Leila De Lima

MATAPANG na tinutulan ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima ang panukala ni Senator Robinhood “Robin” Padilla na babaan ang edad ng criminal responsibility mula 15 anyos tungo sa 10 anyos.

Ayon kay De Lima, dating Kalihim ng DOJ at senador, ang mga batang naliligaw ng landas ay hindi dapat ituring na kriminal kundi bigyan ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng paggabay at pagmamalasakit.

“Hindi hustisya ang pagbaba ng edad ng pananagutan sa 10 anyos. Ito ay pagtakas sa tunay na problema, kawalan ng malasakit at palpak na sistema,” pahayag ni De Lima noong Linggo, Hulyo 20.

Binigyang-diin niya na sa halip na ikulong ang mga bata, dapat silang kausapin, alagaan, at bigyan ng pag-asa.

Layon ng panukalang batas ni Padilla na amyendahan ang Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, upang maalis ang exemption sa criminal liability para sa mga batang edad 10 hanggang 17 taong gumawa ng malulubhang krimen.

Si Padilla ay kasapi ng tinatawag na Duterte bloc sa Senado.

Hinimok ni De Lima ang mga mambabatas na suriin ang ugat ng problema: “Bakit may batang napapasok sa krimen? Sino ang tunay na nagpapahirap sa kanila? Saan nagkulang ang lipunan?”

Sa halip na parusahan ang mga bata, dapat aniya ay tutukan ang pagpapatupad ng restorative justice, kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na magbagong-buhay sa halip na itapon sa kulungan.

Binanggit din ni De Lima na hindi bago ang panukala ni Padilla, at paulit-ulit na itong tinutulan ng mga eksperto sa child rights, siyentipiko, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Ayon sa kanya, ang kasalukuyang batas ay sapat na kung maayos lamang itong ipatutupad. Bilang dating Kalihim ng Katarungan, nasaksihan niya ang pinsalang dulot ng pagkakakulong sa mga bata, at ang positibong epekto ng rehabilitasyon at edukasyon.

“Huwag nating sisihin ang salamin kung hindi maganda ang ating nakikita. Ang mga bata ay repleksyon ng ating lipunan, kung may mali sa kanila, may mali rin sa atin,” dagdag ni De Lima.

Nanawagan siya sa kapwa mambabatas na unahin ang malasakit at hindi ang pagiging “makahigpit” sa krimen.

“Ang tunay na kalutasan ay hindi pagkulong sa bata, kundi pagtugon sa sistemang patuloy na nagpapabaya sa kanila.” (RoadNews Investigative Team)