BOSS HB

BATAY sa mga larawang ipinapakita ng iba’t ibang news network, kaugnay sa pinsalang dulot ng bagyong ‘Crising’, ‘Dante’, at ‘Emong’, na pinalakas ng hanging Habagat, halos buong bansa ay apektado ng kalamidad.

  Partikular sa Metro Manila, nagdeklara na ng State of Calamity ang Lungsod Quezon, dahil sa matinding pinsala ng baha sa iba’t ibang lugar ng lungsod, at para masigurong mabilis at maayos ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta.

  Sa Lungsod ng Maynila, personal na pinangunahan ni Yorme Isko ang de-clogging operation sa mga drainage na barado na siyang sanhi ng agarang pagtaas ng tubig-baha.

  Ang vice mayor ng Montalban, kanyang sinuong ang rumaragasang tubig-baha para personal na pangunahan ang rescue mission sa kanyang nasasakupan.

  Sa Lalawigan ng Bulakan, personal na pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando, ang pagbibigay ng command para mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga nasalantang bayan, lalo roon sa mga nag-deklara ng State of Calamity.

  Kapuna-puna na tila walang direktang pakialam ang Palasyo ng Malakanyang sa kung pa’no tutugunan ang relief at rescue operations, dahil kampante si PBBM sa pakikipagpulong kay President Donald Trump ng Amerika.

  Maliban sa pagde-deklarang walang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas (pribado at pampubliko), ay walang kongretong direktiba ang Tanggapan ng Pangulo sa kung saang lugar na mga apektado ang dapat bigyan ng prayoridad, lalo na sa mga lugar na merong nasirang mga kalsada, mga tulay, mga pananim, at ang komunidad na nagkaroon ng landslide na nagdulot ng pagkasira ng maraming bahay at ari-arian at nagbuwis ng buhay.

  Ayon sa inisyal na pagtataya, umaabot na sa kalating bilyon ang halaga ng napinsalang ari-arian sa sector ng agrikultura.

  Ganoon din ang halaga ng napinsalang inprastruktura na umaabot sa halos kalahating bilyon sa kabuuan.

  Marami ang nakapunang tila walang ‘sense of urgency’ na ipinakita ang Malakanyang kaugnay sa malawakang epekto ng kalamidad.

  “Ano ang ginagawa ng itinalagang ‘caretaker government’ habang wala si PBBM? Ni wala silang inisyatibang pulungin o tumawag ng emergency meeting ang mga kinatawan ng DILG, DOTr, DPWH, DoH, DSWD, PNP, AFP, at iba pang ahensiya ng pamahalaang direktang may kaugnayan sa ganitong mga kaganapan.

  Tuloy, marami sa ating mga kababayan ang napapaisip na tila naging ‘inutil’ ang Palasyo sa pagresponde sa ganitong mga kagyat na sitwasyon na nangangailangan ng mabilisang desisyon at pagtugon para sa kapakanan ng mamamayang nangangailangan ng tulong.

  Ang tanong: Nasa puso ba ng mga nasa Malakanyang ang tunay na malasakit at pagpapahalaga sa mga mamamayang nasa gitna ng kalamidad?