Mabilis na Aksyon ng Pamahalaang Maynila sa Pagbaha sa Arranque Market
MAYNILA | Agad na tumugon ang pamahalaang lungsod sa ilalim ni Mayor Isko Moreno matapos ang malawakang pagbaha sa loob ng Arranque Market na lubhang naapektuhan ang mga vendor at kanilang kabuhayan. Sa pamamagitan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pinangunahan ni Director Arnel Angeles ang operasyon upang maialis ang tubig-baha gamit ang mga fire truck ng lungsod.
Ayon sa pahayag ni Moreno sa kanyang Facebook page, patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang matuyuan ang pamilihan at makabalik sa normal ang mga vendor. “Hindi po kami titigil. Asahan ninyo ang patuloy na pagtugon ng gobyerno ng Maynila,” giit ng alkalde.
Ang mabilis na aksyon ay bahagi ng contingency plan ng lungsod, na sinimulan noong panahon pa ng Bagyong Ondoy. Sa kasalukuyan, patuloy ang suction operation upang maibsan ang epekto ng baha at matulungan ang mga apektadong negosyante.
Nanawagan din si Moreno sa publiko na magkaisa sa pagharap sa hamong ito. “Magtulungan po tayo upang mapagtagumpayan ang pagsubok na ito,” dagdag niya.
Ang Arranque Market ay isa sa mga pangunahing pamilihan sa Maynila, kung saan libu-libong vendor ang umaasa sa araw-araw na kita. Inaasahang sa lalong madaling panahon ay makakabalik na sa operasyon ang buong palengke. (Darwell Baldos)
