Mabilis na Pagbaha sa Marikina, Sinisi sa Dredging at Slope Protection

Marikina City – Sinisi ni Mayor Marcelino “Maan” Teodoro ang mabilis na pagbaha sa Lungsod ng Marikina sa mga isinasagawang programa ng dredging at slope protection sa ilog. Dahil sa patuloy na pag-ulan, mahigit 23,000 Marikenyo ang napilitang lumikas at pansamantalang manirahan sa 36 evacuation centers matapos umakyat sa ikatlong alarm ang lebel ng Ilog Marikina, na umabot sa 18 metro ang lalim.

Ayon kay Teodoro, ang mga proyektong dredging at slope protection ay nagdulot ng pagbabago sa daloy ng tubig, na nagpapabilis sa pag-apaw nito sa mga komunidad. “Dapat masusing pag-aralan ang mga ganitong proyekto dahil maaari itong magdulot ng hindi inaasahang epekto sa baha,” pahayag niya.

Ang Ilog Marikina ay isa sa pangunahing imbakan ng tubig mula sa Upper Wawa Dam at sa bulubundukin ng Sierra Madre. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagmomonitor ng lokal na pamahalaan at ng disaster response teams upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Inihayag din ni Teodoro na magsasagawa ng emergency meeting kasama ang mga ekpserto upang masolusyunan ang problema at maiwasan ang mas malalang pagbaha sa hinaharap. Samantala, nananawagan ang pamahalaang lungsod sa mga mamamayan na manatiling alerto at sumunod sa mga babala ng awtoridad. (Buboi Patriarca)