MAHARLIKA INVESTMENT FUND, NASAAN NA?

ITINAGUYOD at ipinagmalaki ng administrasyong Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund (MIF), bilang isang makabagong solusyon para pasiglahin ang ekonomiya, isang malaking pondong inilaan para sa mga “matatapang” na pamumuhunan na magdadala umano ng malaking kita sa bansa.
Ngunit sa gitna ng magarbong pangako nito, isang malaking tanong ang nananatiling hindi nasasagot: Paano nito mapapakinabangan ang mga maralitang Pilipino, at bakit itinatago ng gobyerno ang tunay na kalagayan nito?
Sa teorya, maganda ang konsepto, ang kumita mula sa pampublikong pondo upang pondohan ang mga serbisyong panlipunan. Pero sa praktika, wala namang malinaw na mekanismo kung paano magiging daan ito para sa pagbawas ng kahirapan. Sa halip na direktang tulungan ang mga dukha sa pamamagitan ng ayuda, murang pabahay, o dagdag na trabaho, mas pinili ng pamahalaan ang maglaro sa stock market at mag-invest sa malalaking proyektong hindi naman natin nakikita.
Samantala, ang perang ginamit para dito ay hinugot pa mula sa mga institusyong dapat sana’y naglilingkod sa maliliit na negosyo at magsasaka, tulad ng LandBank at DBP.
At dito papasok ang pinakamalaking problema: ang kawalan ng transparency.
Hanggang ngayon, walang malinaw na ulat kung saan na napupunta ang pondo, kung kumita nga ba ito, o kung may nagnanakaw sa loob.
Parang isang malaking black box na kahit ang mga mambabatas ay hirap bantayan. Paano natin mapagkakatiwalaan ang isang proyektong hindi naman bukas sa publiko? Bakit tila mas importante ang pagpapasikat sa mga “malalaking investment” kaysa sa pagtitiyak na ang pera ng taumbayan ay talagang napapakinabangan nila?
Sa huli, ang Maharlika Fund ay isa na namang malaking eksperimento sa pera ng bayan, isang pondo na mas maraming pangako kaysa resulta, at mas maraming duda kaysa katiyakan.
Habang patuloy na ipinagmamalaki ng administrasyon ang potensyal nito, ang mga ordinaryong Pilipino ay nananatiling naghihintay: Kailan kaya nila mararamdaman ang ginhawa mula rito, o baka naman nauubos lang ito sa mga bulsa ng iilan?
Hangga’t walang totoong paglilinaw sa mga transaksyon nito, mananatiling isa itong malaking kahon ng Pandora, punong-puno ng pangako, ngunit posibleng laman ay kabiguan at katiwalian.
