Nanawagan si Mayor Joy Belmonte para sa Kolaborasyon ng mga LGU Laban sa Baha Dahil sa Plastik at Basura

Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa Metro Manila na magtulungan upang masolusyunan ang problema ng pagbaha na dulot ng plastic waste at pagdami ng basura sa mga ilog at kanal.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sustainable development, climate resiliency, at pagbabawas sa paggamit ng single-use plastics upang maiwasan ang paglala ng pagbaha sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay Belmonte, malaki rin ang epekto ng mga infrastructure projects ng national government sa pagbaha, lalo na sa mga lugar tulad ng Commonwealth Avenue at Araneta Avenue. Kailangan umano ng masusing pagpaplano upang matiyak na hindi magdudulot ng mas malalang baha ang mga proyektong ito.

Iginiit ng alkalde na kailangan ng komprehensibong solusyon sa pamamagitan ng sustainable urban development, pagpapalakas ng kalikasan (nature resiliency), at climate adaptation strategies. Hinimok niya ang lahat ng LGUs na magkaisa sa pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng mas mahigpit na waste management, paglilinis ng mga waterways, at pag-promote ng eco-friendly practices sa kani-kanilang mga lungsod.

Ang panawagan ni Belmonte ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng Quezon City na maging isang “climate-resilient” at sustainable na lungsod, kasabay ng patuloy na pagharap sa mga hamon ng pagbabago ng klima at urbanisasyon. (Darwell Baldos)