Pacquiao, Umani ng Papuri Mula sa mga Boksingero sa Mundo sa Kabila ng Draw Laban kay Barrios
Las Vegas, USA | Kahit nagtapos sa majority draw ang laban ni eight-division world champion na si Manny Pacquiao kontra sa reigning WBC welterweight champion na si Mario Barrios ng US, patuloy pa rin ang pagdagsa ng papuri mula sa iba’t ibang boksingero sa buong mundo para sa Pinoy boxing icon.
Sa edad na 46, hinamon ni Pacquiao ang mas batang si Barrios (30 taong gulang) at nagpakita ng kahanga-hangang lakas at bilis, na nagpahanga sa maraming manonood at kapwa atleta. Bagamat hindi nakuha ang titulo, pinatunayan ng “PacMan” na kaya pa niyang makipagsabayan sa elite na boksingero.
Nanguna si Cuban boxer at former WBA welterweight champion na si Yordenis Ugás sa pagbibigay-pugay kay Pacquiao. “Hindi ko inakala na pagkatapos naming maglaban noong 2021 at matalo ko siya, babalik pa siya sa ring para harapin ang isang mas bata at malakas na kalaban,” ani Ugás, na siya ring nagtulak kay Pacquiao na mag-retiro noon.
Sumang-ayon din ang dating WBO junior lightweight champion na si Jamel Herring, na binigyang-diin ang championship-level performance ni Pacquiao. “Para sa isang lalaking apat na taong hindi nakalaban, grabe ang kanyang ipinakita. Tunay na legend,” pahayag ni Herring.
Samantala, naniniwala naman si former IBO lightweight champion na si George Kambosos Jr. na dapat siyang nagwagi si Pacquiao. “Para sa akin, panalo si Manny. Isa siyang inspirasyon sa lahat ng atleta, hindi lang sa boksing, kundi sa buong sports world,” dagdag ni Kambosos.
Bagamat hindi nakuha ang WBC welterweight belt, nag-iwan ng malaking tanong ang laban: Magre-retire na ba talaga si Pacquiao, o mayroon pang susunod na laban? Sa kanyang post-fight interview, hindi direktang sinagot ni Pacquiao ang tanong, ngunit iginiit niya na masaya siya sa kanyang performance at patuloy ang kanyang pagmamahal sa boksing.
“Hindi ko sasabihin na ito na ang huli. Gusto ko lang pasalamatan ang mga fans ko sa patuloy na suporta,” pahayag ni Pacquiao.
Sa kabila ng edad at mga hamon, patuloy na nagbibigay inspirasyon si Manny Pacquiao, hindi lang bilang isang boksingero, kundi bilang isang alamat ng sports na nagpapatunay na ang puso at determinasyon ay walang pinipiling edad. (Darwell Baldos)
