TATAY NI VINCENT CO, TUTOL KAY BEA ALONZO PARA SA ANAK?

boy v

MUKHANG hindi na paaawat si Bea Alonzo at ang Presidente ng Puregold na si Vincent Co sa kanilang pag-iibigan.

Mukha ring hindi na itinatanggi bagamat hindi rin naman inaamin ng dalawa na sila na  nga ang matunog na tambalan sa tunay na buhay bilang magsyota.

Ito ay dahil halatang-halata naman na matamis ang kanilang pagtitinginan sa isa’t isa.

Lalo pang luminaw ang relasyon nina Bea at Vincent nang kumalat ang mga larawan na nakaabrisiyete si Alonzo kay Co sa piging ng Puregold Mediacon kamakailan.

Oo nga’t puwede namang umabrisiyete ang isang babae sa isang lalaki kahit na wala silang romansa kundi personal lang na pagkagusto sa isa’t isa, halimbawa’y magpinsan o kaya’y matalik na magkaibigan na puwedeng mag-abresiyitehan pero iba ang lundag ng puso na nakikintal sa mga mata ng dalawang kontrobersyal na pigura ng show business at negosyo.

Kamakailan ay lumipad naman patungong ibang bansa ang aktres at ang negosyante at magkasama pa sila. (Ang tsika, sa Spain daw nagtungo ang dalawa para bisitahin ang winery roon ng pamilya Co. Ed.)

Sa altar na nga ba ang diretso ng relasyon nina Bea at Vincent?

Malapit na malapit na umano si Alonzo sa pamilya ni Co lalo na sa ina ng binata at mga kapatid.

Laging magkausap ang ina ni Vincent at si Bea lalo na kung ang pag-uusapan ay ang pagpapalago ng negosyo ng bawat isa,

Gayunman, may lumabas sa social media na pahayag umano ng ama ni Vincent na si Lucio Co na tila hindi boto sa dalaga.

Fake news man o totoong kaganapan, marami ang apektado sa pahayag ng tatay ng binata.

Wala umanong prenup agreement at walang kasal na pinag-uusapan. Pero mas matimbang ang iba pang miyembro ng pamilya at ito ay sumusukat din sa pagiging pabor sa mga bagay-bagay sa usapin ng pag-aasawa ng mga kasapi ng isang angkan.

Marami pang mga kabanatang naghihintay sa ugnayang Bea at Vincent kaya naman marami ang nag-aabang sa kung ano ang tunay na mangyayari sa pagmamahalang ito.

Sana naman ay sa mabuti humantong ang lahat.

                                                             ***

Binabati rin namin ang nag-oorganisa ng kauna-unahang Palawan International Choral Festival (PICF) sa pangunguna ni Robert Delgado, ang presidente ng National Association of Filipino Choirs, Inc. (NAFCI).

Nasa tamang paghahanda na ang okasyon na lalahukan ng mga choral group mula sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Si Robert ay kasalukuyang choir master ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang kanyang koneksyon dito maliban kay Imelda Papin na isa sa mga direktor ng ahensiya ay ang pinakapuno ng tanggapan.

Nakahanap na rin ang isa sa mga marketing ni Delgado na si Shaine Pe o mas kilala sa tawag na Nez Aguilar ng malalaking tutulong sa organisasyon ng palabas.

Dating kasapi si Robert ng Philippine Madrigal Singers, kilala rin sa tawag na Madz pero hindi muna niya aabalahin ang grupong ito dahil may sarili ring patimpalak ng maraming pag-awit.

Sa August 13 hanggang 16, 2025 ang 1st PICF.

Hala bira!

                                                                 ***

Napapag-usapan na rin lang si Imelda Papin, naghahanda na rin ang Asia’s Sentimental Songstress sa kanyang pagtugpa sa pulitika bagamat wala pa siyang pormal na pahayag hinggil dito.

Pero sa tuwing makakausap namin siya ay positibo ang kanyang pananaw na kakandidato siya sa mas mataas na tungkulin mula nang siya ay maging bise-gobernadora ng Camarines Sur.

Katatapos lang niyang mag-guest sa natatanging konsiyerto ng kanyang kapatid na si Gloria Papin, ang dating si Gloria Balen, sa Novadeci Convention Center sa Novaliches, Quezon City.

Bongga ang palabas ni Gloria na pinamagatang “Gloria Papin: A Night of Praise and Worship” na kinapalooban ng mga awiting nagpupukaw ng ispiritwal na damdamin ng isang tao.

Sa poster ng pagtatanghal, wala ang larawan ni Imelda sa mga panauhing kakanta pero may isang bilog na may tandang pananong kung sino ang isa pang bisitang mang-aawit ng panganay na kapatid.

Mas malamang ay si Imelda Papin ‘yon at tunay ka, si Mel nga ang pangunhing bisita ni Glo bagamat kabilang din sa guest performer sina Aileen Grace Papin, Garry Cruz, Maffi Papin Carrion at iba pa.

Mas nais manirahan ni Glo sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang pagtigil ng humigit-kumulang sa apatnapung taon niya sa US.

Mas gusto anya niyang sa Pilipinas na lang manirahan.

Kaibigang matalik ni Glo ang isa sa mga kaklase namin sa UST Faculty of Arts and Letters 1975 na si Oscar Diaz Ocampo na isang direktor ng pelikula sa US kabilang ang “Living Las Begas” na itinampok din si Gloria.

                                                           ***

Nakakabuwisit naman ang mga fake news na naglalabasan na pumanaw na si Dante Rivero.

Una naming narinig ang maling balitang ito sa aktres na si Jessica Pica.

Hindi kami makapaniwala dahil wala namang tunay na ulat na makapagpapatunay na sumakabilang-buhay nan ga si Dante.

Pero palaging lumilitaw sa mga pahina ng Facebook.

Ang totoo, sa TV drama lang namatay si Rivero, sa “Batang Quiapo” ng ABS-CBN.

Puwede bang tigilan na ang ganitong pamamaraan ng mga walang magawa at walang pasubali sa damdamin ng mga taong kasangkot sa maling balita.

                                                       ***

Hindi nawawalan ng balita tungkol kay Nora Aunor.

Patay na ‘yong tao pero sandamukal pa rin ang mga kontrobersya at pamana.

Halos minu-minuto nga ay may dumadalaw pa ring mga tagahanga ni Nora sa puntod ng Superstar sa Libingan ng mga Bayani.

Kamakailan ay madre at mga relihiyosa ang dumalaw sa puntod ng aktres.

Kaya hindi talaga maglalaho ang kasikatan ng aktres kahit na siya ay nasa kabilang buhay na.

Ganyan ang simbolo ng masa.

Hanggang may nasa laylayan ng lipunan, may Nora Aunor na pagbabatayan ng buhay.

Huwag magtataka dahil kapilas si Nora ng buhay ng pangkaraniwang Filipino.