Umatras si Rubilen Amit sa 2025 World Pool Championships Dahil sa Kalusugan
Bigong makasali sa 2025 World Pool Championships ang two-time world champion at kilalang Cebuana billiards star na si Rubilen Amit, matapos magpasiyang umatras sa prestihiyosong torneo sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa kanyang social media post, kinumpirma ni Amit na hindi na siya lalahok sa kompetisyon na nagsimula noong Hulyo 21. Ayon sa billiards sensation, nagkaroon siya ng mga problema sa kalusugan kaya minabuti niyang magpahinga at sundin ang payo ng kanyang doktor.
“Mahirap ang desisyong ito, pero kailangan unahin ang kalusugan,” pahayag ni Amit. “Mas mahalaga na maging 100% fit para sa mas maraming laban sa hinaharap.”
Ang pag-urong ng 43-anyos na atleta ay nag-iwan ng malaking kawalan sa Philippine contingent, subalit patuloy pa ring maglalaban ang ibang Pinoy pool stars sa torneo, kabilang sina Johann Chua, Carlo Biado, Patric Gonzales, AJ Manas, Jefrey Roda, Bernie Regalario, at James Aranas.
Si Amit, na dating world 10-ball champion (2009 at 2013), ay kilala bilang isa sa pinakamatagumpay na Filipina billiards players sa kasaysayan. Ang kanyang pag-withdraw ay nagdulot ng panghihinayang sa mga fans, ngunit binigyang-diin niya ang kahalagahan ng long-term health. (Jonathan Ruiz)
