NAIA FEE HIKE: Bakit Tahimik Ang Karamihan?

VERITAS et ILLUSIO ni Lezaza N. Htoratsa
Nakakapagtaka, hindi ba? Biglang lumobo ang mga bayarin sa NAIA, halos doble ang singil sa domestic, at malaking dagdag sa international, pero parang walang malakas na boses na kumokontra. Saan kaya napunta ang mga kritiko? Bakit tila napipi ang ilang media commentators na dating mabilis mag-expose ng mga anomalya? May kinalaman ba dito ang malalaking kumpanya ni RSA, na siyang pangunahing operator ng NAIA? Kapag pera at poder ang usapan, nagiging bulag at pipi na ba ang ilang outlet?
At ang pinakamalaking tanong natin: Karapat-dapat ba ang mga pasahero sa ganitong klaseng panggigipit?
Hindi maikakaila na ang NAIA, sa kabila ng pagmamalaki bilang “premier gateway” ng bansa, ay puno pa rin ng palpak na serbisyo. Mabagal na immigration lines, sira-sirang air conditioning, maduming CR, at palpak na Wi-Fi, mga problemang hindi na naayos sa loob ng ilang dekada. Ngayon, imbes na unahin ang pag-aayos, ang solusyon ba ay dagdagan muna ang bayad? “Pay first, suffer later” ba ang motto ng mga namamahala?
Kung talagang para sa modernisasyon ang fee hike, bakit hindi muna ipakita ang kongkretong plano bago maningil? Bakit walang malinaw na timeline kung kailan magiging world-class ang NAIA? O baka naman ang totoo, ang dagdag na kita ay mapupunta lang sa bulsa ng iilan, habang ang mga ordinaryong pasahero ang magtitiis sa luma at sira-sirang pasilidad?
At ang media, saan na ang matatapang na pag-uulat? Dati-rati, galit na galit sila sa mga nagta-tax hike o toll fee increase, pero ngayon, parang naglaho ang mga pangalan ng ilang sikat na commentator. May conflict of interest ba? Takot bang mawalan ng advertising revenue mula sa malalaking korporasyon na kontrolado ng iisang pangalan?
Sa huli, ang tanong na dapat sagutin ng lahat: Kailan magigising ang mga Pilipino sa sistemang puro pasahero ang naghihirap, habang ang mga nasa poder, kasama ang mga kaalyado nilang media, ay tahimik na kumikita?
Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi tayo, sino ang magsasalita para sa kapakanan ng mga byaherong sawang-sawa na sa palpak na serbisyo?