TALAMAK NA CORRUPTION SA PAGGAWA NG CLASSROOM, NABUKO NI AQUINO SA SENADO
Ulat ni Ernie Reyes para sa RoadNews
Natuklasan ni Senador Bam Aquino na talamak na korapsiyon sa pagtatayo ng silid-aralan para sa Department of Education (DepEd) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kumpara sa pribadong sektor na higit na mas mababa.
Sa pahayag, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate committee on basic education na malaki ang diperensiya ng halaga ng pagpapatayo ng silid-aralan ng DPWH kaysa ng pribadong sektor tulad ng Angat Buhay Foundation.
“Bakit magkaibang-magkaiba iyong presyo. Paki-explain nga sa amin at sa taumbayan bakit magkaiba iyong presyo ng classroom sa gobyerno at classroom pagdating sa private sector at local government units,” wika ni Aquino sa isang panayam sa programang “Headstart.”

Ibinunyag ng senador na humigit-kumulang ₱2.5 milyon ang gastos ng DPWH sa bawat classroom habang ang ilang non-government organizations ay nakakagawa ng classroom sa halagang ₱1 milyon o mas mababa pa.
“Para gumawa ng isang classroom sa DPWH, sa kuwento sa akin ng mga mayor, P2.5 million iyong presyo. Pero bakit ang Angat Buhay ni Ma’am Leni (Robredo), Hope Foundation, at Chinese Chamber, they can do it for a little bit more than a million or less than a million pesos,” punto ni Aquino.
Sinabi ni Aquino na magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Basic Education, na kanyang pinamumunuan, sa susunod na linggo upang talakayin ang kakulangan sa mga silid-aralan, kung saan inaasahan niyang magbibigay linaw ang mga opisyal ng gobyerno ukol sa malaking diperensya sa presyo ng paggawa ng classroom.
“Once we’re able to determine what the right price is, then we can talk about how to increase the funds. Paano palalakihin iyong pondo at paano sabay-sabay tayong gagawa ng classroom para sa kabataan,” wika ni Aquino.
“If we’re able to bring the price down, madodoble natin iyong number of classrooms,” giit pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na maresolba ang classroom backlog na umaabot sa 165,000, inihain ni Aquino ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na layong magbigay ng karagdagang suporta sa mga inisyatibo ng pamahalaan kapag naisabatas.
Layon ng SBN 121 or Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na pasimulan ang kooperasyon at pagtutulungan ng LGU, pribadong sektor, at DepEd na makapagtayo ng mas maraming silid-aralan — ayon sa pamantayan at may suporta mula sa national government.