CHINESE SLEEPER AGENTS, MIYEMBRO NG PLA, NASA PH NA – LACSON
ni Ernie Reyes

May mga Chinese “sleeper agents” at maging operatiba ng People’s Liberation Army (PLA) ng China na nakapasok na sa Pilipinas upang magsagawa ng pag-espiya o espionage, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ngayong Miyerkules.
Ani Lacson, ito ang dahilan para sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng tuluy-tuloy na follow-up o pursuit operations laban sa naaresto sa naunang anti-espionage operations.
“The whole network of espionage operations must be dismantled or at least decimated to a large degree kasi agents come and go. Inaresto mo, may papalit diyan. And I have on good information na maraming sleeper agents, even regular members of PLA na nandito. Widespread eh,” ani Lacson sa pagdinig ng Senate defense committee na tinalakay ang mga panukalang batas laban sa espiya, kabilang ang kanyang Senate Bill 33, isang panukalang batas na nagpaparusa sa espionage at iba pang kaugnay na krimen laban sa pambansang seguridad.
“Time is of the essence. Continuing ang kanilang espionage ops and right now ang ina-apply natin is Commonwealth Act 616,” dagdag niya.
Binanggit ni Lacson ang ulat kung saan may naarestong Tsino dahil sa pag-espiya sa maraming lugar, kabilang ang Palawan, Makati, Dumaguete, at malapit sa Camp Aguinaldo, Commission on Elections sa Manila, at Malacanang.
Sa pagdinig, iniulat ni Atty. Ferdinand Lavin ng National Bureau of Investigation (NBI) na sa hindi bababa sa anim na operasyon, 19 na dayuhan ang kanilang naaresto dahil sa hinalang espiya.
Sa 19 na naaresto, 13 ang Chinese, lima ang Pilipino, at isa ang Cambodian. Ayon kay Lavin, ang mga Pilipino ay nagsilbing guide, driver o aide lamang na ginamit bilang kasangkapan.
Binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangan ng tuluy-tuloy na hot pursuit operations laban sa iba pang sangkot, kabilang ang mga matutukoy mula sa tactical interrogation ng mga nahuli.
“Yan ang mas interest ko kasi di dapat matapos arrest. This is an unusual crime committed vs our national security unlike other ordinary criminal cases we stop at filing charges and pursuing their conviction in court. Ito it entails more intelligence and follow up operations,” paliwanag niya.
“So kailangan ang pursuit operations na walang letup. If we rest on our laurels naging complacent tayo relax na tayo, but that is not supposed to be the case. The more we should pursue and be more vigilant in conducting intelligence and law enforcement operations,” dagdag niya.
Hinikayat din ni Lacson ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga ari-arian ng mga sangkot sa espionage, katulad ng ginawa nila sa kaso ng dating alkalde na si Alice Guo.