Subpoena vs Discaya, iba pang DPWH contractor, nilagdaang ni Chiz: ‘Dadalo o kalaboso?’
Ni Ernie Reyes

Binalaan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang lahat contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa maanomalyang flood control projects na ipakukulong kundi dadalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Sa pahayag, binalaan ni Escudero ang contractor na nasasangkot sa kuwestiyonableng flood control projects na dumalo sa pubic hearing ng Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa alegasyon ng graft and corruption sa proyekto na pinondohan ng bilyong piso.
Nilagdaan ni Escudero ngayong Martes ang subpoena para sa lahat ng contractor na ibinulgar ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iniimbestigahan sa katiwalian.
“Napirmahan na yun last week pa. Lahat ng hiniling ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Rodante Marcoleta ay pinirmahan ko last week. So, inaasahan namin mase-serve yun sa loob ng linggong ito in time for the hearing next week,” ayon kay Escudero.
Kabilang sa pinadalhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee si Cezarah “Ate Sarah” Discaya*, isang negosyante at umamin na yumaman nang magsimulang maging contractor ng DPWH at kabiyak nitong si Curlee Discaya,isang negosyanteng mahilig sa mamahaling kotse na nai-feature sa sa vlog ng dalawang kontrobersiyal na media personalities.
Kilala ang mag-asawa na nagmamay-ari ng St. Gerrard Construction Corporation at Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation, ikalawa sa pinakamalaking nakakuha ng dambuhalang proyekto sa flood control projects na hindi makita.
Sinabi ng Senate chief na isisilbi ang subpoena sa linggong ito at inaatasan na Dadalo ang mga contractor sa Blue Ribbon Committee investigation.
“Kinakailangan bigyang linaw nila ang bagay na ito at kung hindi nila susundin ang subpoena ng Senado, ang susunod na doon ay arrest warrant na hindi ako mag-aatubili na pirmahan,” aniya.
Ayon sa hepe ng Senado na interesado siya tulad ng maraming mamamayan na malamang ang detalye sa anomalya sa flood control projects partikular ang pinondohan ngunit hindi itinayo o ghost projects na karamihan sa lalawigan ng Bulacan, ang home province ni Majority Leader Joel Villanueva.
Kumakalat sa social media ang ilang video at photo na kasama palagi ni Villanueva si DPWH District Engineer Henry Alcantara ng Central Luzon sa kabila ng pinabulaanan ng senador sa kanyang manipestasyon sa Senado na wala siyang kilalang district engineer sa kanilang lalawigan.
“Marapat at dapat lamang na tignan at suriin ‘yan dahil kung naglilipana ngayon ang kaliwa’t kanan na akusasyon . . . ay marapat at dapat naman talagang . . . imbestigahan at parusahan kung sino man ang nasa likod nun,” aniya.
Bukod sa paglalantad ng katotohanan sa likod ng maanomalyang flood control projects, gustong tugunan ni Escudero ang matagal nang isyu ng conflict of interes sa taong gobyerno na nagsisilbing contractor sa public works projects.
Naunang inihain ni Escuedero ang Senate Bill No. 783 na naglalayong ipagbawal ang sinumang kaanak ng public official sa ikaapat na degree ng consanguinity or affinity na pumaloob sa anumang government contract.
“By banning public officials and their relatives up to the fourth civil degree of consanguinity or affinity from doing business with government potential avenues for corruption will be eliminated involving public funds,” ayon kay Escudero, (Ernie Reyes)